NAGPAABOT ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa mga naulila ng pumanaw na si Lydia de Vega.
“She has fought a good fight. Let us pray for her peace.”
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Marcos sa pagpanaw ni Asian Sprint Queen Lydia de Vega kasabay ng kanyang pagpapaabot ng pakikiramay sa mga naulila nito.
Sa isang pahayag, nakikiisa si Pangulong Marcos sa pagluluksa ng buong bansa sa pagpanaw ni De Vega matapos ang apat na taong pakikipaglaban sa breast cancer.
Ayon sa Pangulo, tinagurian si De Vega na fastest woman sa buong Asya at inilagay nito ang Pilipinas sa mapa ng international athletics.
Nasungkit ni De Vega ang gintong medalya noong 1982 at 1986 Asian Games at namayagpag sa Asian Athletics Championships noong 1983 at 1987.
Naging nine-time Southeast Asian Games gold medalist din si De Vega sa kanyang paboritong event na 100-meter dash at dalawang beses na naging Olympian noong 1984 sa Los Angeles at Seoul Olympics noong 1988.