PBBM, nagsagawa ng aerial inspection sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Karding

PBBM, nagsagawa ng aerial inspection sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Karding

NAGSAGAWA ng aerial inspection si President Ferdinand Marcos, Jr. (PBBM) sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Karding.

Kabilang sa mga lugar na ininspeksyon ni Pangulong Marcos nitong Lunes ng umaga ang Bulacan, Nueva Ecija, at Tarlac na tinamaan ng Typhoon Karding.

Sa isang press briefing sa Quezon City, unang sinabi ni Pangulong Marcos na hindi muna siya bababa sa mga nabanggit na lugar.

Paliwanag ng Punong Ehekutibo, sa pagkakataong ito, maraming trabaho ang local government at ‘pag bumaba siya, makakaabala lamang ito sa mga operasyon ng LGU.

“I will not land in any place, because from my experience, pagka nasa local government ka lalo na out ka sa ground, marami silang trabaho. ‘Pag bumaba ako, kailangan nila akong i-welcome, kailangang i-pull ang police sa akin, kailangan kong kunin iyong mga sasakyan nila eh andami nilang kailangan gawin. So, makakaistorbo lang ako,” paliwanag ni Pangulong Marcos.

Gayunpaman, tiniyak ni Pangulong Marcos na pagkatapos ng immediate emergency support, ay bibisitahin niya ang mga sinalanta ng bagyo at titingnan ang mga pangangailangan pa ng mga biktima ng naturang kalamidad.

“Time will come we’ll go and talk to them and see what else they need after the immediate emergency support,” ayon sa Pangulo.

Pagkatapos ng aerial inspection, napag-alaman ng Punong Ehekutibo na may ilan pa ring binabahang lugar.

Sa kabilang banda, inilahad ni Pangulong Marcos na sa pangkalahatan, minimal lamang ang pinsala sa pampubliko at pribadong imprastraktura.

Habang halos nasa full function naman ang mga serbisyo ng gobyerno.

Bago ang aerial inspection ngayong araw, pinangunahan muna ni Pangulong Marcos ang situation briefing ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.

Layon ng naturang pulong na alamin ang lawak ng pinsalang dala ng Bagyong Karding.

Kasama ni Pangulong Marcos sa situation briefing sina Department of National Defense (DND) OIC Jose Faustino Jr., Department of Health (DOH) OIC Maria Rosario Vergeire, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo, Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benjamin Abalos Jr., Department of Energy (DOE) Sec. Raphael Lotilla, Department of Information and Communications Technology (DICT).

Kabilang din sina Sec. Ivan John Uy, Presidential Management Staff (PMS) Sec. Ma. Zenaida Angping, Special Assistant to the President (SAP) Sec. Antonio Lagdameo Jr., Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro, at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Isa-isang nagbigay ng ulat ang mga kalihim ng ahensiya.

Iniulat ni Secretary Erwin Tulfo na nitong Linggo pa lang ng gabi ay nagsimula nang mamahagi ng tulong ang DSWD sa mga biktima sa ilang lugar.

Ikinatuwa naman ni Secretary Abalos ang agarang pagsunod ng halos mga residente pagdating sa kautusan na lumikas o magtungo na sa evacuation centers.

Inihayag naman ni DOH OIC Vergeire na mayroong naka-preposition na 83.7 million pesos ang ahensya para sa sektor ng kalusugan sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Kasabay nito, nag isyu ng mga direktiba si Pangulong Marcos sa lahat ng concerned government agencies.

Una nang ipinag-utos ng Punong Ehekutibo ang agarang pagpapadala ng family food packs at mga pangunahing pangangailangan ng mga  naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Karding.

Sinabi ni Pangulong Marcos na nakaantabay siya sa iba’t ibang programa na maaari pang maitulong ng gobyerno.

Katulad na lamang ng Assistance to Individuals in Crisis Situations program ng Department of Social Welfare and Development.

Handa rin aniya ang pamahalaan sa pamamahagi pa ng pagkain, tubig, at iba pang essential items sa Polillo Island, Quezon Province at iba pang lugar sa Luzon na tinamaan ng Bagyong Karding.

Bukod dito,  sinabi rin ni Pangulong  Marcos na nagpadala na ang pamahalaan ng mga generator set sa mga lugar na wala pa ring kuryente bunsod ng Bagyong Karding.

Una nang iniutos ng Chief Executive ang agarang pagpapadala ng gen sets sa Nueva Ecija at Aurora.

Follow SMNI NEWS in Twitter