UMALIS na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. patungong Estados Unidos nitong hapon ng Miyerkules, Abril 10, upang dumalo sa trilateral meeting kasama ang US at Japan.
Makakapulong niya roon sina U.S. President Joe Biden at Japanese Prime Minister Kishida Fumio.
Sa kaniyang departure statement sa Villamor Air Base sa Pasay City, sinabi ni Pangulong Marcos na inaasahang itatampok niya sa trilateral summit ang economic, defense, at maritime cooperation sa dalawang bansa.
Idinagdag pa ni Marcos na kabilang din sa isusulong doon ang kooperasyon, lalo na sa mga larangan ng critical infrastructure, semiconductors, digitalization at cybersecurity, critical minerals, at renewable energy.
Layunin din aniya ng naturang foreign trip na makipagpalitan ng kuru-kuro sa kaniyang U.S. at Japanese counterparts ukol sa iba’t ibang isyu sa seguridad partikular sa Indo-Pacific Region.
Sa sideline ng trilateral summit, sinabi ni Marcos na magkakaroon siya ng bilateral meeting kay Biden, kung saan ipagpapatuloy nila ang mga talakayan sa pagpapalakas ng alyansa sa pagitan ng Pilipinas at US.
Makikipagpulong din si Pangulong Marcos sa business leaders sa Amerika para anyayahan silang mamuhunan sa Pilipinas.