PBBM, nakakuha ng $8.5-B halaga ng investment deals sa pagbisita sa Indonesia

PBBM, nakakuha ng $8.5-B halaga ng investment deals sa pagbisita sa Indonesia

UMABOT sa 8.5 bilyong dolyar na halaga ng investment ang nakuha at naselyuhan ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. sa kanyang pagbisita sa Indonesia kamakailan.

Sa pahayag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, ang naturang halaga ay katumbas ng nasa pitong libong bagong trabaho sa mga Pilipino.

Kabilang sa mga investment na nilagdaan sa Jakarta, Indonesia ay ang 822 milyong dolyar na investment sa textiles, garments, renewable energy, satellite gateway, wire global technology at agri food;

Pitong bilyong dolyar sa imprastraktura para sa private-public partnership; at $662 milyong dolyar na halaga ng kalakalan para sa suplay ng coal at fertilizer.

Inihayag ni Cruz-Angeles na walang partikular na target o figure kung magkano ang inaasahang kabuuang makukuha na investment pledges sa state visit ni PBBM.

“Wala tayong target number, yet mahirap pong magsabi kasi even kapag nakapag-usap na tayo at mayroon na tayong agreement, hindi rin natin-kukompyutin pa natin. Halimbawa sa Indonesia, ang laki pala ng amounts na makukuha natin – ang sabi originally ni Secretary Pascual, worth of 700 million. So noong finally nilabas namin yesterday, nakita ninyo naman iyong statement, so we’re talking about billions,” pahayag ni Cruz-Angeles.

Ayon naman kay Pangulong Marcos, noon pa nais magtungo ng Pilipinas ang mga business leader ng Indonesia ngunit nahadlangan dahil sa pandemya.

Dagdag pa ng Pangulo, maraming Indonesian business leaders at investors ang nagpahayag ng interes na maglagak ng puhunan sa Pilipinas.

Sinabi rin ni Marcos na pinakamalawak ang mga talakayan tungkol sa Public-Private Partnership o PPP agreements.

Tumagal ng tatlong araw ang official visit ni pangulong marcos sa Indonesia mula Setyembre 4 to 6.

Pagkatapos ng Indonesia ay sa Singapore ang naging sunod na state visit ni PBBM.

“For economic cooperation and post-pandemic recovery: Singapore as the sixth largest trading partner of the Philippines and top investor in 2021; agriculture cooperation and COVID-19 assistance; may exchange of views on regional and global issues, Myanmar and ASEAN centrality, the Ukraine, the South China Sea,” ani Cruz-Angeles.

Samantala, muling pinagtibay ang mabuting ugnayan ng Pilipinas at Singapore sa larangan ng ekonomiya at seguridad sa state visit ni PBBM sa naturang bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter