SA kaniyang departure statement sa Villamor Airbase, Pasay City, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na ang pagdalo niya sa 43rd ASEAN Summit and Related Summits sa Indonesia ay sa imbitasyon ng ASEAN Summit Chair na si Indonesian President Joko Widodo.
Nangako naman si Pangulong Marcos na kaniyang isusulong ang interes ng bansa sa gitna ng paglahok sa naturang summits.
“Once again, I will use this opportunity to advance PH priorities in ASEAN and work with our other ASEAN member states not only in addressing the complex challenges facing the region but also in pursuing opportunities for ASEAN as an epicentrum of growth,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, itatampok niya sa kaniyang partisipasyon sa ASEAN Summit ang adbokasiya sa pagtataguyod ng Rules-Based International Order, kasama ang South China Sea.
Itataguyod din ni Pangulong Marcos sa naturang pagtitipon ang pagpapalakas ng food security, panawagan para sa climate justice, pag-promote ng potential na digital at creative economies, proteksiyon sa migrant workers in crisis situations, gayundin ang paglaban sa human trafficking.
Nabanggit din ng pangulo na ang ikalawang ASEAN Summit para sa taong ito ay magbibigay ng strategic opportunity para sa ASEAN na mapalalim pa ang aniya’y robust partnership sa Australia, Canada, India, China, Japan, Korea, US, at United Nations.
Palalakasin din ang kooperasyon sa mga nabanggit na bansa sa larangan ng trade and investment, climate action, food security, clean energy, at maritime cooperation.
Lalahukan din ni Pangulong Marcos ang ASEAN Plus 3 at East Asia Summits kung saan tatalakayin ang developments sa South China Sea, gayundin ang sitwasyon sa Myanmar ang gulo sa Ukraine at iba pang major power rivalries.
Makikipagkita rin si Pangulong Marcos sa bilateral partners sa sidelines ng ASEAN Summit upang isulong ang kooperasyon na magdadala ng benepisyo sa national priorities.
“As a founding member, ASEAN has always been closely intertwined with Philippine foreign policy. My administration will continue to ensure that our constructive engagements with ASEAN, our dialogue partners and stakeholders, serve our national interest and the wellbeing of the Filipino people,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Tatagal ang 43rd ASEAN Summit and Related Summits mula Setyembre 5-7.
Sa kabuuan, kasama sa inaasahang dadaluhan ni Pangulong Marcos ang 13 leaders’ level engagements.
Ang 43rd Summit and Related Summits, na may temang, “ASEAN Matters: Epicentrum of Growth,” ay magtatapos sa Setyembre 7, sa pamamagitan ng handover ceremony ng ASEAN Chairmanship sa Lao People’s Democratic Republic, mula Indonesia.
Ang ASEAN, na itinatag noong Agosto 8, 1967, sa Bangkok, Thailand, ay isang political at economic union ng 10 member states sa Southeast Asia.
Binubuo ito ng Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore, Thailand, Brunei Darussalam, Vietnam, Lao PDR, Myanmar, at Cambodia.