PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang inagurasyon ng Improving Growth Corridors in Mindanao Road Sector Project (IGCMRSP) sa Zamboanga Sibugay.
Personal na dinaluhan ni PBBM, ang inagurasyon ng pagbubukas ng 3 Core Project sa munisipalidad ng Alicia.
Ito ang tatlong pangunahing proyekto sa Alicia-Malangas Road at Lutiman-Guicam-Olutanga Road sa probinsya ng Zamboanga Sibugay at ang Tampilisan-Sandayong Road, na matatagpuan sa Zamboanga del Norte.
Ang nasabing mga proyekto sa kalsada ay may kabuuang haba ng kalsada na 69.07 kilometro kabilang na ang 11 tulay.
Ang mga proyektong ito ay hindi lamang magpapaunlad ng kalsada at tulay sa buong Zamboanga Peninsula hanggang sa Tawi-Tawi kundi magdudulot din ito sa pagtaas ng ekonomiya ng lugar.
Ayon sa president, ilan sa mga kinakaharap na problema ng ekonomiya ng Pilipinas at ng buong mundo ay ang tinatawag na supply chain problems.
Kaya ang ASEAN at kabuoan ng BIMP-IAGA ay nagsama-sama upang mapag-ugnay ang mga kalsada nang matugunan at masulosyunan ang kinakaharap na problema sa ekonomiya.
Sa pamamagitan ng nasabing 3 Core Project, mas mapapadali na ang kalakaran ng mga produkto, at transportasyon ng mga tao.
Pinasalamatan din ng Pangulong Marcos si Dir. Pavit Ramachandran, Country Director of The Philippine Country Office Asian Development Bank (ADB) sa suporta at pakikipagtulongan na mapabuti ang imprastraktura ng lugar na siyang naging daan sa pagsulong ng bansa sa landas ng pag-unlad.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa ICC ay natapos na sa rendition ng paghatol ng ICC Appeals Chambers.
Sa halip, tututukan na ng Pilipinas ang sarili nitong imbestigasyon at pag-uusig sa mga krimen na may kaugnayan sa kampanya laban sa droga.