PBBM, pinatitiyak ang kaligtasan ng mga Pinoy sa Israel

PBBM, pinatitiyak ang kaligtasan ng mga Pinoy sa Israel

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs) at ng Filipino community sa Israel.

Ito’y sa gitna ng patuloy na hidwaan sa pagitan ng mga puwersa ng Israel at ng Palestinian militant group na Hamas.

Sa isang statement, inihayag ng Presidential Communications Office (PCO) na inutusan ni Pangulong Marcos ang mga ahensiya na mahigpit na makipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Tel-Aviv at sa Migrant Workers Office (MWO) sa Israel upang matiyak ang seguridad ng mga Pilipinong apektado ng patuloy na sigalot.

Ipinag-utos ng Pangulo sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na hanapin at i-account ang lahat ng OFWs at kanilang mga pamilya sa Israel.

Dagdag pa ng PCO, nagbukas ang DMW ng hotline at ilang Viber at WhatsApp hotline numbers na tatanggap ng mga tawag at katanungan mula sa mga OFW at Filipino community na nangangailangan ng tulong ng gobyerno.

Base sa ulat, daan-daang Israelis ang napatay habang ilang sibilyan at sundalo ang na-hostage ng militanteng grupong Hamas nang maglunsad ito ng sorpresa at unprecedented attack noong Linggo ng umaga.

Nagpahayag naman ng pagkondena ang Office of the President (OP) sa mga pag-atake sa Israel habang ipinahayag nito ang pinakamalalim na simpatiya at pakikiramay ng Pilipinas sa mga nawalan ng mahal sa buhay.

Follow SMNI NEWS on Twitter