NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Department of Education (DepEd) at local government units (LGUs) na patuloy na suportahan ang sports development sa bansa.
“I urge the Department of Education to keep harnessing the talents and sportsmanship of our student-athletes. Continue to leverage your reach and resources to provide them with the support, training, and opportunities that they thrive on and on which they will succeed,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sa kaniyang talumpati sa opening ceremony ng 2023 Palarong Pambansa sa Marikina City, tiniyak din ni Pangulong Marcos na nananatiling matatag ang gobyerno sa pagpapaunlad ng husay ng mga kabataang Pilipinong atleta at sa pagtaguyod ng kanilang kagalingan.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang pagbibigay-pansin sa sports ay hindi lamang nagpapabuti sa lakas at liksi ng mga atleta, kundi pati na rin sa pagbuo ng kanilang karakter at disiplina.
“I assure you that this gov’t remains steadfast in developing the prowess of our young athletes and in championing their wellbeing,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Nanawagan din ang Pangulo sa mga LGU na hikayatin ang mas malaking partisipasyon ng paaralan sa sports competitions.
Bukod dito, hinimok din ng Punong-Ehekutibo ang mga lokal na pamahalaan na tumulong na hikayatin ang mas maraming estudyante na makisali sa mga pisikal na aktibidad upang matutunan nila ang kahalagahan ng katatagan sa pagsasakatuparan ng kanilang mga layunin.
Mensahe naman ni Pangulong Marcos sa mga student-athlete, coach, at trainer, ang kanilang dedikasyon aniya sa sports ay parehong nakaka-inspire at kapansin-pansin.
Dagdag pa ng Pangulo, nagsisilbi ang mga itong huwaran ng kahusayan, integridad, at sportsmanship.
“You serve as exemplars of excellence, integrity, and sportsmanship by showing to your peers and your fellow Filipinos the result of your discipline, your training, your hard work, and the many sacrifices you had to make, to make it here today,” ani Pangulong Marcos.
Kasabay rito, inanyayahan ni Pangulong Marcos ang lahat ng mga Pilipino na panoorin ang mga laro at pasayahin ang kanilang mga paboritong manlalaro at koponan habang sila ay nakipagkukumpitensiya sa kani-kanilang mga isports.
Pinangungunahan ng DepEd ang pagsasagawa ng 2023 Palarong Pambansa sa Marikina City, halos tatlong taon matapos puwersahang kanselahin ito dahil sa COVID-19 pandemic.
Ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Marikina, ang DepEd-National Capital Region (NCR) Office, at ang Schools Division Office (SDO) ng lungsod ng Marikina ay host ng edisyon ngayong taon ng scholastic multi-sport competition.
Bukod sa mga student-athletes mula sa 17 DepEd Regional Athletic Associations, ang Filipino athletes na naka-enroll sa mga kinikilalang paaralan sa ibayong dagat ay papayagang sumabak sa mga indibidwal na sports sa ilalim ng bandila ng Philippine Schools Overseas (PSOs).
Nasa mahigit 7,000 delegates ang kalahok sa Palarong Pambansa na tatagal hanggang Agosto 5.