PBBM sa WRMO: Bumuo ng plano para maiwasan ang pagbaha sa NCR

PBBM sa WRMO: Bumuo ng plano para maiwasan ang pagbaha sa NCR

INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Water Resources Management Office (WRMO) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bumuo ng isang komprehensibong plano para protektahan ang mga komunidad sa baybayin at Metro Manila mula sa pagbaha.

Inilabas ng Pangulo ang kautusan kasunod ng isang briefing sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang flood control programs at National Irrigation Administration (NIA) sa pangangasiwa ng dammed rivers.

Sa briefing, binanggit ng Punong Ehekutibo ang P351-B na tinatayang halaga ng flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Metro Manila gayundin sa mga kalapit na lugar.

Saad pa ng Pangulo, naghahanap ang gobyerno ng mga lokasyon sa labas ng Metro Manila kung saan maaari itong maglagay ng malalaking impounding area para makontrol ang daloy ng tubig at maiwasan ang pagbaha.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan para sa isang komprehensibong plano upang makontrol kung saan dapat pumunta ang tubig-baha at kung ano ang dapat gawin.

Nakatuon din ang pulong sa Palasyo sa iba pang ginagawang flood control projects sa Pampanga, Cavite, Leyte at Cagayan de Oro City, gayundin ang pagtatayo ng mga access road patungo sa irrigation areas na tinukoy ng NIA sa ilalim ng Katubigan Program na ipinatupad kasama ng DPWH.

Kabilang din sa highlights sa pulong ang rainwater collection system program sa ilalim ng Republic Act No. 6716, na may kabuuang halaga na P5.86-B para sa konstruksiyon at pag-install ng 6,002 rainwater collection system sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kabilang sa major flood control projects na nasa pipeline ay ang flood protection infrastructures sa Abra River Basin, Ranao River Basin at Tagum-Libuganon River Basin maging ang Central Luzon-Pampanga River Floodway Flood Control Project, at iba pa.

Bukod sa mga naturang hakbangin, sinabi ni Pangulong Marcos na sinusubaybayan din ng gobyerno ang krisis sa klima dahil sa masasamang epekto nito sa iba’t ibang sektor.

Kasama ni Pangulong Marcos sa briefing sa Malacañang sina Executive Secretary Lucas Bersamin, DPWH Secretary Manuel Bonoan, Finance Secretary Benjamin Diokno, Defense Secretary Gilbert Teodoro, DENR Secretary Antonia Yulo-Loyzaga, Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos, Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting Chairman Atty. Romando Artes at iba pang opisyal ng pamahalaan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter