97.5% rice sufficiency sa loob ng 5 taon, target makamit ng Marcos admin

97.5% rice sufficiency sa loob ng 5 taon, target makamit ng Marcos admin

TARGET makamit ng Marcos administration ang 97.5% rice sufficiency sa loob ng limang taon, kasunod ng pag-apruba ng Masagana Agri Roadmap.

Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na hatid ng Masagana Rice Industry Development Program ang sapat at kalidad na bigas para sa bawat Pilipino at mas kumportableng buhay para sa mga magsasaka.

Inaasahan ng gobyerno na makamit ang halos 100 porsiyentong rice self-sufficiency sa loob ng limang taon.

Ito ay kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Marcos na siya ring namumuno sa Department of Agriculture (DA), sa Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP).

Binanggit ng Pangulo ang nasabing target ng pamahalaan sa ginanap na Rice Industry Convergence Meeting sa Quezon City nitong Miyerkules.

Aniya, sa 97 percent target na rice self-sufficiency, mapapakain na ang lahat ng mga mamamayan ng may sapat na suplay ng bigas.

“This convergence meeting, I think, has given us a good roadmap to follow, but marami pang mangyayari d’yan between now and our goal of having a 97.5-percent self-sufficiency in rice. 97.5 I think is a good enough number. We can feel that… Masasabi naman natin na we are able to feed. At least sapat ‘yung ating ani sa bigas,” pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Ipinaliwanag naman ng Punong-Ehekutibo na ang natitirang 2.5 porsiyento ay para sa iba pang kinakailangang niche products tulad halimbawa ng mga organic o special grain.

Kaugnay rito, hinikayat ni Pangulong Marcos ang lahat ng mga stakeholder na manatili sa roadmap, na inilarawan niya bilang isang magandang plano na maaaring magbigay-daan sa sektor ng agrikultura sa bansa na malampasan ang anumang roadblocks.

Kasabay nito, nagpahayag ng galak ang Pangulo sa pagsasagawa ng convergence meeting upang makinig sa mga mungkahi at mga inilatag na presentasyon.

Sa pagpupulong, inilahad ng Pangulo ang mga hakbang na maaaring makatulong sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura, pataasin ang produktibidad at iangat ang kalagayang pang-ekonomiya ng mga magsasaka.

Kabilang sa mga hakbang na ito ang convergence, pagtatatag ng mas maraming kooperatiba, pag-adopt ng mekanisasyon at mga bagong teknolohiya, gayundin ang digitalization.

Binigyang diin ni Pangulong Marcos na ang digitalization ay ang isang bahagi marahil makaakit ng mga kabataan pabalik sa negosyo sa sektor ng agrikultura.

Mayroong humigit-kumulang 2.58 milyong magsasaka, mula sa 7.46 milyong magsasaka na nakatala sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), na nakikibahagi sa pagtatanim ng palay.

Base sa tala, ang top five highest rice-producing regions noong 2022 ay ang Central Luzon na 3.62 million metric tons (MMT);

Cagayan Valley, 2.93 MMT;

Western Visayas, 2.32 MMT;

Ilocos Region, 1.96 MMT; at

Bicol Region, 1.33 MMT.

Samantala, naghahanda na ang DA ng mga hakbang upang tumugon sa El Niño kabilang ang maagang pamamahagi ng binhi ng palay, pamamahagi ng drought-tolerant planting materials, pagsulong ng crop insurance, at pag-iskedyul ng patubig.

Sa pinagsama-samang aksiyon ng pamahalaan kasama ang mga kawani ng rice industry, nakatitiyak si Pangulong Marcos na matutupad ang layunin ng bansa na pangunahan ang produksiyon ng bigas sa mundo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter