HINDI sinang-ayunan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mga mungkahing paalisin na ng Pilipinas si Chinese Ambassador Huang Xilian.
Ito ay sa kabila ng mga pahayag ng ambassador na wala aniyang nalalabag ang China sa kamakailang insidente ng harassment sa Bajo de Masinloc at Ayungin Shoal.
Kamakailan lang nagpahayag ang ilang mambabatas ng sama ng loob sa umano’y kabiguan ni Huang na tumulong sa pagpapagaan ng tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China, sabay ipinanawagan ng mga ito ang pag-recall sa Chinese ambassador.
Sa panayam ng media kay Pangulong Marcos sa Japan, sinabi ng Punong Ehekutibo na hindi niya hihilingin sa China na pauwiin sa kanilang bansa ang embahador nito sa Pilipinas.
Bagama’t aminado ang Pangulo na ikinainis niya ang nasabing pahayag ng Chinese envoy, pero sa kabilang banda’y naiintindihan niya ito gayong ginagawa lang ni Ambassador Huang ang kaniyang trabaho.
“Again, kung siguro ako’ng personally pinag-uusapan maybe I’ll be upset. But you’re talking about me, we’re talking about the Philippines,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
“He’s the Ambassador of China. So, he will always take the Chinese position,” aniya.
Bahagi aniya ng trabaho ni Huang ang ipagpatuloy ang paglalahad ng Chinese narrative sa South China Sea.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na habang ang magkabilang panig ay hindi sumasang-ayon sa naturang salaysay, magpapatuloy lamang aniya ang Pilipinas sa pagsisikap na tugunan ang mga hamon.
Ang mungkahing palitan si Huang ng bagong envoy ay hindi magdudulot ng anumang pagbabago, ani Pangulong Marcos, dahil ang isang kapalit na envoy ay magpapatuloy lamang na mag-e-echo sa posisyon ng China.
Kaya naman giit ni Pangulong Marcos, hindi kailangang mag-overreact sa usaping ito.
“So, we have to — that’s why we have to work around it. We cannot overreact on this,” ayon pa sa Pangulo.
Nang tanungin naman kung nais ng Pangulo ng ibang diskarte sa gitna ng sigalot sa WPS, sinabi nito na handa siyang umupo para sa negosasyon upang malutas ang isyu.
Idinagdag pa ni Pangulong Marcos na ang kasalukuyang isinusulong ng Pilipinas ay ang matiyak ang security arrangements sa ibang mga bansa, tulad ng pagsasaayos na isinagawa sa Japan upang mapanatili ang katatagan ng rehiyon.