LILIPAD ngayong araw si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. patungong Indonesia para daluhan ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Ito ay matapos ang naging biyahe ni Pangulong Marcos sa Estados Unidos at United Kingdom.
Lalahok si Pangulong Marcos kasama ang mga pinuno ng mga miyembrong estado ng ASEAN, sa ika-42 ASEAN Summit sa Labuan Bajo, Indonesia mula Mayo 10-11, 2023.
Kasunod na rin ito ng imbitasyon ni Indonesian President Joko Widodo bilang ASEAN Chair ngayong taon sa ilalim ng temang: “ASEAN Matters: Epicentrum of Growth”.
Ang ASEAN Summit ay nagbibigay ng isang platform para sa mga lider ng ASEAN upang talakayin at makipagpalitan ng mga kuru-kuro sa mga pangunahing isyu sa rehiyon.
Una nang nabanggit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na inaasahang isusulong ni Pangulong Marcos ang mga prayoridad ng Pilipinas sa ASEAN sa pamamagitan ng regional at multilateral cooperation.
Ito ay tulad na lamang ng pangmatagalang seguridad sa pagkain at enerhiya, pagsisikap tungo sa pagbawi ng ekonomiya, paglaban sa transnational crimes, pag-upgrade ng technical at vocational education & training, pag-adopt ng climate at disaster resilient technologies, paglipat sa renewable at alternative energy technologies, proteksiyon ng migrant workers at iba pa.