UNTI-UNTI nang dumarami ang mga pasaherong namo-monitor ng Philippine Coast Guard (PCG) kasabay ng paggunita ng Semana Santa.
Nitong alas-sais ng umaga ng Lunes, sinabi ni PCG Deputy Spokesperson Commander Michael John Encina na nakapagtala sila ng nasa mahigit 15,400 na outbound passengers at 16,000 inbound passengers sa mga pantalan sa buong bansa.
Patuloy naman, aniya, ang pakikipag-ugnayan ng Coast Guard sa mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Philippine Ports Authority (PPA) at Maritime Industry Authority (MARINA) upang makamit ang target na zero maritime casualty ngayong Semana Santa.
Nakikipag-ugnayan din ang PCG sa Department of Tourism (DOT), ani Encina, dahil hindi lamang mga pampasaherong biyahe ang kanilang binabantayan kundi maging ang pagdagsa ng mga turista sa mga pangunahing beach resort sa bansa.
PCG naka-heightened alert mula Abril 13-20; 17K tauhan, naka-deploy
Kaugnay rito, inihayag ng PCG official na naka-heightened alert status na ang PCG ngayong Holy Week na tatagal mula Abril 13 hanggang Abril 20.
Nasa 17,000 mga tauhan ng Coast Guard ang kabuuang deployment ngayong Semana Santa, na nakaposisyon 24/7.
“Si Admiral Ronnie Gil Gavan, has directed the 16 districts—in overall, we will deploy 17,000 Coast Guard Personnel para po mag-provide ng pre-departure inspection, magbantay sa ating mga pantalan; hindi lang po sa mga pantalan, pati po iyong mga maliliit na pampasaherong floating asset na ginagamit po pantawid dito po sa mga malalapit nating mga lugar ay babantayan din po ng Philippine Coast Guard,” saad ni Commander Michael John Encina, Deputy Spokesperson, PCG.
Dagdag ng opisyal, kabilang sa mga inihandang hakbang ng PCG ang pagtatayo ng Malasakit Help Desk bilang bahagi ng Oplan Biyaheng Ayos Semana Santa.
Naroon, aniya, ang mga kasapi ng Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA) na handang magbigay ng first aid treatment sakaling may mga pasaherong mangailangan ng tulong.
Bukod dito, naka-deploy rin ang mga K-9 team at sea marshals, lalo na sa mga malalayong biyahe.
“Ang atin pong K-9 teams, also conducting itong K-9 paneling po sa mga bagahe, luggages ng ating mga pasahero sa terminal mismo at sa mga barko. Mayroon din po tayong mga na-deploy na mga sea marshals doon po sa mga malalayong biyahe from Manila going to Cebu, from Manila going to Zamboanga and back/forth,” ani Encina.
Sakali namang may mga insidente ng biglaang pagsama ng panahon, tiniyak ni Encina na naka-deploy at nakahanda ang mga Coast Guard vessel upang agad makapagbigay ng nararapat na tulong.
“Aside po doon, tayo po ay in constant coordination sa ating LGU, mahalaga po na tayo po ay nakikipag-ugnayan sa ating NDRRMO, CDRRMO, nakikipag-usap po tayo sa ating mga fisherfolk at napapaalalahanan po sila na kapag may mga ganito pong biglaang eventualities, agad-agaran pong magsabi sila sa Philippine Coast Guard,” dagdag nito.
Sa patuloy na pagdami ng mga biyahero ngayong Semana Santa, nananatiling nakabantay ang PCG sa lahat ng pantalan sa bansa upang masiguro ang kaligtasan ng publiko. Bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng gobyerno kontra aksidente sa karagatan at pagsunod sa mga itinakdang safety protocols.
Follow SMNI News on Rumble