MARIING tiniyak ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles na walang daya sa kanilang lotto operations.
Reaksyon ito ni Robles matapos makapagtala ng 433 na nanalo sa 6/55 Grand Lotto noong Sabado, October 1, 2022.
Diin ni Robles, ‘game of chance’ o tsamba ang nangyari sa mga nanalo sa mahigit P4.9 Million na tumaya noong araw na iyon at walang leakage sa resulta ng draw.
Kaugnay naman sa panawagan ng ilang senador na paimbestigahan ang lotto operations ng PCSO, saad ni Robles na handa silang humarap sa anumang imbestigasyon kahit pa araw ng Linggo itong ipatawag.
‘’Yun hong 433 I’m sure masaya sila. Halong lungkot at saya palagay ko kasi jackpot pero marami pero ganun talaga eh. You have to share, ‘yun yung rules of the game. Unang-una you have to be lucky and win it,’’ saad ni Robles.
Paghahatian ng mga nanalo ang ₱236,091,188 ang jackpot prize.
Ang bawat isa sa kanila ay makatatanggap ng ₱545,245 subject sa 20% na final tax.