SAKO-sakong shabu na nagkakahalaga ng P1.5B ang boluntaryong itinurn-over ng 10 mangingisda sa mga awtoridad matapos nilang matagpuang palutang-lutang sa parte ng karagatan ng Masinloc, Zambales.
Isinalaysay ni Philippine Drug Enforcement Agency Spokesperson Atty. Joseph Frederick Calulut na ang mga mangingisda na taga-Bataan ay pumalaot sa karagatan ng Zambales at doon nila nakita ang mga sako na inakalang mga food pack ang mga ito.
Agad anilang dinala ito sa Bataan at iniabot sa Philippine Coast Guard (PCG).
“Tinawagan po tayo ng Philippine Coast Guard, dinala po natin iyong K-9 units doon, noong umupo iyong ating aso, that’s an indication na positibo po iyan sa illegal na droga,” saad ni Atty. Joseph Frederick Calulut, Spokesperson, PDEA.
Sinabi ni Atty. Calulut na batay sa packaging ng mga sako, may indikasyon na posibleng ito’y mula sa tinaguriang Golden Triangle, partikular sa Myanmar. Aniya, ito ay batay sa mga ulat mula sa kanilang foreign counterparts.
Ibinahagi naman ng opisyal na wala pa silang nakuhang ulat na mayroong tracking device sa natagpuang mga sako ng shabu.
Gayunman, kasalukuyan pa rin aniyang isinasagawa ang masusing imbestigasyon upang matukoy kung paano nadiskubre ang mga ilegal na droga, kung sino ang nasa likod ng nasabing malakihang smuggling, at kung paano ito napadpad sa karagatan ng bansa.
“One of the means kung paano naipuslit sa Pilipinas is through our porous coastlines. So, ano ang ginagawa nila? Diyan ho dinadaan iyong ilegal na droga. And hindi lang naman po sa ating coastlines, mayroon din po iyong ating mail and parcel. So, iba-iba hong paraan kung paano nila ipasok. Nagkataon lang siguro na doon ho sa may bandang Zambales ho naitapon iyon, so iyan patuloy pa ho nating iniimbestigahan,” dagdag ni Calulut.
PDEA, pinag-aaralan ang pagkakaloob ng pabuya sa mga nakatuklas ng P1.5-B shabu
Samantala, ayon kay Calulut, pinag-aaralan ng ahensiya ang posibleng pabuya para sa mga mangingisdang nakatuklas ng P1.5B halaga ng shabu sa karagatan ng Zambales.
Binanggit ng opisyal ang programang “Operation: Private Eyes” na nagbibigay ng pabuya sa mga mamamayang nagbibigay ng impormasyon ukol sa droga.
Gayunman, maaaring hindi umano pasok sa mga “parameter” ng programa ang naging papel ng mga mangingisda, kaya’t naghahanap pa sila ng ibang paraan upang maipagkaloob ang nararapat na pagkilala at tulong sa mga ito.
“Baka lang hindi ho sila pumasok doon so naghahanap pa tayo ng paraan kung paano rin ho mabigyan ng kaukulang pabuya itong mga fishermen. But hopefully, iyong mga local government unit din ho natin doon, baka puwede rin namang tulungan din ho itong mga fisherfolk natin kasi nga naman, with the vigilance of these fishermen ay hindi naipasok sa bansa itong malaking amount of dangerous drugs,” aniya.