PDP-Laban president, may pahayag sa panghihimok kay FPRRD na maging aktibo uli sa politika

PDP-Laban president, may pahayag sa panghihimok kay FPRRD na maging aktibo uli sa politika

MAY komento ang isang mataas na opisyal ng PDP-Laban kaugnay sa panghihimok kay Former President Rodrigo Roa Duterte na maging aktibo uli sa politika.

Kamakailan, kumalat ang mga larawang ito ng pagtatagpo ng ilang dating matataas na opisyal ng pamahalaan.

Nagkasama sa isang salo-salo sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Naroon din si dating Senate President Tito Sotto III.

Sa paunang impormasyon mula kay Senator Christopher ‘Bong’ Go na present din sa salo-salo, isang simpleng kamustahan lamang ang nangyari.

At pagbabalik-tanaw sa kanilang mga karanasan sa public service.

“Isang simpleng kamustahan at masayang pagkikita ang nangyari kasama ang mga pinunong naglingkod sa bayan sa iba’t ibang posisyon o kapasidad noong mga nakaraang administrasyon. Nagbalik-tanaw sila sa mga panahong nagkasama sila sa gobyerno,” ayon kay Senator Christopher Go.

Pero, may kaunting kulay ang ibang mga pahayag ni Sen. Go.

Dahil sa tagpong iyon, sinabi ni Go na kinukumbinsi aniya ni Arroyo si Duterte na maging aktibo uli sa politika.

Bagay na kinumpirma ni Arroyo sa isang statement sa House media.

“I think Senator Bong Go already disclosed what happened,” ayon kay Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Si Duterte ngayon ang chairman ng partido PDP-Laban.

At ayon sa presidente ng partido na si Palawan Rep. Jose Chaves Alvarez, malaking tulong sa re-electionist senators ng partido kung magiging active uli sa politika si dating Pangulong Duterte.

“Maganda ‘yan sa 3 re-electionist senators ng PDP dahil kung siya ang mangangampanya, ‘yung kaniyang popularity will transcend to the re-electionists,” ayon kay Jose Chaves Alvarez, President, PDP-Laban.

Sa tanong kung napag-uusapan ba ng partido kung tatakbo sa 2025 mid-term elections si Tatay Digong ay hindi pa ito napag-uusapan ng PDP.

Marami kasi ang lumalabas na haka-haka na baka tumakbo ring senador ang dating presidente sa 2025.

“Wala namang pinag-usapan na ganyan ngunit talagang pasya na niya ‘yan. Kasi siyempre ‘yung ibang malapit sa kaniya nagsabi na rin na kung maaari huwag na siya dahil galing na nga siya sa pagka-pangulo. Ngunit pinakamagandang example si dating Pangulong Gloria Arroyo ay very active ngayon di ba? Kita mo naman palagi nag-aattend pa nga ng sesyon dito eh,” dagdag ni Alvarez.

“Maybe ‘yung mga suggestion ni dating Pangulong Gloria Arroyo is towards him running the campaign, kasi may hatak nga siya eh,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter