PINAIIMBESTIGAHAN na ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang nasa likod ng pekeng memorandum na nag-uutos na ilipat ang ilang persons deprived of liberty (PDL) mula sa Sablayan Detention Facility sa Occidental Mindoro pabalik ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Ito ay kasunod ng kanilang nadiskubreng dokumento kung saan peke umano ang pirma ng kalihim at maging ang memorandum circular number.
“Nagpunta dito kahapon si Director General Catapang para ipakita iyan, i-validate kasi parang mayroon na silang pakiramdam na pinepeke nga. Ang nangyari diyan, ‘yung barcode kasi, halatang halata namin na talagang dinaya kaya huling huli iyan,” ayon kay Sec. Jesus Crispin Remulla, Department of Justice.
Ang mga preso na ipinababalik sa New Bilibid Prison sa ilalim ng pekeng memorandum ay ang tinaguriang “Bilibid 19” na tumestigo laban kay dating Senadora Leila de Lima
“Ang karamihan niyan ay kasama daw sa tinatawag na Bilibid 19, tumestigo noon sa kaso, iyan iyong mga galing sa military holding cell na tumestigo against Senator de Lima na nagagalit na sila ay inilipat muna sa Sablayan, sapagkat nagkaroon kami ng behavioral problems na kailangan iayos, kaya pinaubaya ko kay Director General Catapang ang kailangang gawin sapagkat siya naman ang Director General ng BuCor at sa kanyang desisyon po iyan,” dagdag ni Remulla.
Giit ng kalihim, may kaukulang parusa ang pamemeke ng dokumento.
Ayon pa dito, maaaring mga empleyado rin umano ng DOJ at BuCor ang nasa likod ng pamemeke ng dokumento.
“Hindi biro ang gumawa ng ganitong pekeng dokumento. Ito ay may kahalintulad na parusa… Matatanggal pa ang lahat ng benefits nila, kung sila at nagkaroon na sila ng benefits under the different laws para mabawasan ang sentensya, baka naman hindi sila patuwa sa kanilang kalalagyan pagkatapos,” babala ng kalihim.
Inihayag pa nito na gustong makabalik ng mga preso sa loob ng Bilibid ay dahil nakukuha nila ang lahat ng gusto nila.
“Ayaw nila umalis sa Maximum Security Prison sa totoo lang, kaya gusto nila bumalik diyan ‘yung mga nasa Sablayan, kasi diyan everything is available, kapag may pera ka, nakukuha nila kaya iyan ang ating iniiwas ngayon, sinusubukan natin bawasan. Tuluy-tuloy ang aming pakikipag-usap sa lawmakers natin na sana naman ay bigyan ng budget na maayos ang ating regional jails, sapagkat walang solusyon iyan, kahit mag-imbestiga sila taon-taon tungkol dito hanggang walang regional jail, ganyan pa rin ang kuwentong makukuha mo sa loob ng bilangguan,” ani Remulla.