MULING sinupalpal ni Chief Presidential Legal Counsel Sec. Juan Ponce Enrile ang International Criminal Court (ICC).
Ito’y kasunod ng pahayag ni Solicitor General Menardo Guevarra na hindi na aapela sa ICC kung hindi man ito pumabor ang desisyon nito sa Pilipinas hinggil sa imbestigasyon sa umano’y war on drugs sa bansa.
Na ayon pa kay Guevarra, sakali mang mabasura ang apela ng Pilipinas ay mapahihintulutan ang ICC prosecutor na imbestigahan ang sitwasyon sa bansa at maaaring kasuhan ang iilang indibidwal depende sa nakukuhang mga ebidensiya.
Sa kaniyang programa sa SMNI News, sinabi ni Enrile na hindi nito isu-surrender ang karapatan ng bansa na labanan ang kasamaan ng ilegal na droga at mismong ang soberanya ng bansa sa kahit na sinoman o sa ICC.
Ipinunto pa ni Enrile na ito’y bilang proteksiyon sa mga Pilipino at dahilan kung bakit mayroong gobyerno.
Giit pa ni Enrile, tanging sinusunod ng mga Pilipino ang Presidente batay sa Saligang Batas ng Pilipinas at hindi ang ICC.
Dagdag pa ni Enrile na ang ICC ay wala namang police force o tagapagpatupad ng kanilang batas sa mga bansa.
Aniya pa, may sariling interes ang ICC at ginagawa lamang ito para may trabaho at magkasahod.
Samantala, sinabi naman ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na kung ano man ang magiging ruling ng ICC ay hindi nito apektado ang bansa dahil hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas.
Una na ring sinita ni Senator Imee Marcos ang ICC dahil sa kabiguan nitong imbestigahan ang maraming ‘crimes against humanity’ ng Western countries pero hindi tinitigilan ang kagustuhang imbestigahan ang drug war noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Nanatili naman ang posisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr na walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas.