HINDI pa matiyak ng Department of Justice (DOJ) kung kailan mapapabalik dito sa Pilipinas si Dating Negros Oriental 3rd Dist. Cong. Arnolfo Teves Jr. na naaresto kahapon sa Timor-Leste.
Sinabi ni DOJ Asec. Mico Clavano na hanggang sa kasalukuyan kasi ay nagpupulong pa ang mga Timor-Leste official at Philippine delegation na personal na nagtungo doon, pero ang Timor-Leste aniya ang magdedesisyon kung kailan ito ibabalik sa Pilipinas.
Kabilang aniya sa tinatalakay ay kung extradition o deportation ang gagamiting sistema ng pagpapauwi, pero tinitingnan aniya ang pinakamabilis at pinakaligtas na pamamaraan.
Gayunman, ipinaliwanag ni Clavano na kung extradition ang gagawin ay medyo mas mahabang araw ang hihintayin dahil mabusisi ang proseso at kailangan munang makumpleto ang mga dokumento bago ipadala sa Timor-Leste.
Mas mabilis naman aniya kung deportation ang gagamiting proseso dahil wala nang valid passport si Teves makaraan itong kinansela ng ating Department of Foreign Affairs (DFA).