MAS pinalawak na ng PhilHealth ang kanilang mga benefit packages upang mas matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa physical medicine, rehabilitation, at paggamot sa sakit sa puso.
Sa pakikipagtulungan ng Department of Science and Technology–Philippine Council for Health Research and Development o DOST-PCHRD, inilunsad ang mga bagong benepisyo sa ilalim ng PhilHealth STUDIES Program sa ginanap na Talakayang HeaRT Beat Press Conference sa Quezon City nitong Hunyo 11.
Kabilang dito ang mga serbisyo sa physical therapy, occupational therapy, speech therapy, psychological support, at mga assistive mobility device gaya ng wheelchair, walker, at crutches.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, 12 porsyento ng mga Pilipinong edad 15 pataas ang nakararanas ng matinding kapansanan kaya’t mahalaga ang mas malawak na access sa mga serbisyong ito.
Ibinahagi ni Dr. Jaime Montoya, Executive Director III ng Philippine Council for Health Research and Development, na simula pa noong 2015 ay nagpapatuloy ang implementasyon ng mga aktibidad ng PhilHealth studies upang mapabuti ang social health insurance ng bawat Pilipino.
‘’Mula nang mabuo ang programa noong 2015, 38 proyekto o pag-aaral na ang sinuportahan ng PhilHealth studies at 4 na bagong proyekto ang sisimulan pa lamang,’’ ayon kay Dr. Jaime Montoya.
Sa ilalim ng Outpatient Benefit Package for Mental Health, makatatanggap ang mga pasyente ng hanggang ₱9,000 kada taon para sa general mental health services, at hanggang ₱16,000 naman para sa specialty mental health care.
Sa ilalim naman ng Benefit Package for Ischemic Heart Disease o para sa mga may sakit sa puso, sasagutin ng PhilHealth ang mga critical na procedure gaya ng percutaneous coronary intervention, fibrinolysis, emergency medical services, at cardiac rehabilitation na umaabot sa daan-daang libong piso kada serbisyo.
Kabilang din ang programang Development of Rehabilitation Package for Adults in the Philippines na naglalayong magbigay ng financial risk protection sa mga Pilipinong nangangailangan ng medical rehabilitation mula sa iba’t ibang sakit.
Ayon naman kay DOST Secretary Renato Solidum, layunin ng mga programang ito na gawing mas abot-kaya at mas accessible ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa bawat Pilipino.
‘’Sa pamamagitan ng PhilHealth benefits package sa medical medicine… pangmatagalang suporta sa kanilang muling paggaling,’’ saad ni Sec. Renato Solidum Jr.
Sa ngayon, patuloy ang implementasyon ng mga aktibidad ng PhilHealth studies para mapabuti ang social health insurance para sa bawat Pilipino.