NOONG Hunyo 1, 2025, ang Philippine Coast Guard Station Antique, katuwang ang Coast Guard Sub-Station Patnongon, ay nagsagawa ng security assistance sa Fluvial Parade na ginanap sa Brgy. Poblacion, Belison, Antique.
Ang Fluvial Parade, na kilala sa lokal na tawag na “Biray,” ay isang relihiyosong selebrasyon na orihinal na ipinagdiriwang ng Iglesia Filipina Independiente bilang paggunig sa Mahal na Birhen sa pagtatapos ng buwan ng Flores de Mayo at pagdiriwang ng Banal na Rosaryo.
Ang aktibidad ay isa sa mga inisyatiba ng Lokal na Pamahalaan ng Belison upang itaguyod ang kultura at pananampalataya ng komunidad.
Ang mga tauhan ng PCG ay nagsagawa ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok at manonood, kabilang ang pagmomonitor ng mga sasakyang pandagat at pagbibigay ng kaukulang tulong sa mga nangangailangan.
Ang matagumpay na pagsasagawa ng Fluvial Parade ng Biray 2025 ay nagpapakita ng malakas na ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan sa pagpapalaganap ng mga tradisyon at pagpapahalaga sa relihiyon at kultura ng mga komunidad sa Antique.