MATAPOS ang phreatic eruption ng Bulkang Bulusan nitong umaga ng Lunes, nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng isang ash emission activity nitong madaling araw ng Martes.
Ito ang iniulat ni PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol sa isang televised briefing.
‘’To be exact, although hindi naman ito masyadong mataas, nasa 100 meters lamang; and nakapagtala din tayo for the past 24 hours ng 89 volcanic earthquakes,’’ ayon kay Dr. Teresito Bacolcol, Director, PHIVOLCS.
Base sa monitoring ng PHIVOLCS, ang phreatic eruption na nangyari nitong Lunes ay posible pang maulit sa mga susunod na araw.
Kaya naman pinayuhan ang publiko na huwag pumasok sa 4-kilometer permanent danger zone dahil puwedeng mangyari ulit ang naturang eruption.
Sa ngayon, ani Bacolcol, nasa Alert Level 1 ang Bulusan Volcano.
Bago pa man ang naging huling pagsabog ng Bulkang Bulusan, naitala ang mahigit limampung volcanic earthquake.
‘’Iyon volcanic earthquakes ay indikasyon iyan na may gumagalaw na magma o ‘di kaya ay hydrothermal fluids, pero hindi naman ibig sabihin na puputok kaagad. Pero kapag marami na, puwede itong maging precursor ng isang volcanic eruption,’’ saad ni Dr. Bacolcol.
Sa katunayan, noong Abril 21, napansin ng PHIVOLCS na biglang dumami ang volcanic earthquakes.
Dahil diyan ay naglabas agad sila ng abiso na maging mapagbantay o maingat ang mga lokal na pamahalaan pati na ang mga residente dahil baka magkaroon ng phreatic eruption — at ito’y nangyari nga.
Makalipas ang pitong araw, nagkaroon nga ng phreatic eruption na nangyari nitong Lunes.
Ibinahagi naman ng Office of Civil Defense (OCD) ang naging epekto ng pagbuga ng abo ng Bulkang Bulusan.
Sinabi ni OCD Spokesperson Director Chris Bendijo na nagbuga ito ng plume na may taas na 4,500 meters, kaya’t ang mga lugar sa paligid nito ay nagkaroon ng epekto ng ash fall.
Sa kabuuan, may apat na munisipalidad at labing siyam na barangay ang apektado ng ash fall.
Katumbas ito ng kabuuang 27,000 indibidwal.
‘’Nabanggit naman po ni Director Bacolcol, na may posibilidad na magkaroon ng explosion ‘no. So, kung saka-sakaling kailangan nating mag-evacuate, iyong ating logistics na magdadala ng ating mga goods, mga food at non-food items,’’ ani Dir. Chris Bendijo, Spokesperson, Office of Civil Defense.
Bilang tugon, nakipag-ugnayan ang OCD sa Provincial and Local Disaster Risk Reduction Management Offices at sa Bureau of Fire Protection (BFP) upang magsagawa ng flushing sa mga kalye dahil nagdudulot aniya ito ng low visibility kapag nadadaanan ng mga sasakyan.
Minabuti rin ng BFP na bugahan ng tubig ang mga ash fall na ito upang makaiwas sa dagdag pinsala na maaaring maidulot ng mga traffic accident.
‘’But in terms of on the ground po, minabuti po nating tutukan muna itong mga affected individuals sa ating mga evacuation centers, pati na rin po iyong … iyon nga po, iyong ating koordinasyon sa Bureau of Fire at nang sa ganoon po ay mabawasan naman po iyong epekto ng abo ‘no sa ating mga kalye dahil pinaghahandaan din po natin,’’ sabi ni Bendijo.
Follow SMNI News on Rumble