HINDI na papayagan ng Korte Suprema ang pisikal na paghahain ng mga mosyon at petisyon simula Oktubre 1.
Ayon kay Atty. Camille Sue Ting, tagapagsalita ng Korte Suprema, bahagi ito ng opisyal na transisyon sa electronic filing gamit ang Philippine Judiciary Platform (PJP).
Habang nasa transition period mula Hulyo 1, kailangang magsumite ang mga abogado ng kanilang mga petisyon sa parehong paper-based at electronic format sa e-court system.
Simula naman sa Oktubre 1, hanggang pagpapapicture na lang sa harap ng Korte Suprema ang puwedeng gawin ng mga petisyuner dahil bawal na bawal na ang physical filing.
Ang mga abogado ay kailangang magparehistro sa online portal ng SC upang maisagawa ang e-filing.
Sakop ng e-filing ang mga sumusunod na uri ng petisyon: petition for review on certiorari, review of final judgment and order of the COMELEC and COA, petition for certiorari, prohibition and mandamus, petition for contempt, at petition for issuance of prerogative writs.
Sa bagong sistema ng e-filing, inaasahang magiging mas mabilis ang proseso ng pagsusumite ng mga pleadings.
Maging ang pagtanggap at pag-access sa resolusyon ng mga kaso ay magiging mas madali na rin.
Ngunit paglilinaw ng Korte Suprema, tanging ang mga abogado na naghain ng petisyon ang makaa-access sa mga dokumento o resolusyon sa PJP o e-courts.
Samantala, may mga piling petisyon na maaaring i-post sa opisyal na website ng Korte Suprema, lalo na kung ito ay may public interest.
Maaari din itong hingin ng media kung pahihintulutan ng korte.