Pilipinas at UK, palalakasin ang kooperasyon sa climate change, trade at maritime security

Pilipinas at UK, palalakasin ang kooperasyon sa climate change, trade at maritime security

NAIS ng Pilipinas at United Kingdom (UK) na palakasin ang kanilang kooperasyon sa mga pangunahing larangan tulad ng kalakalan, seguridad at depensa, renewable energy shift at climate change action.

Nabuo ang usapin kasunod ng naging courtesy call ni British Foreign Secretary James Cleverly kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Palasyo ng Malacañang nitong Agosto 29.

“The new development in terms of security and defense, it is not predictional (sounds like) to us to look to Europe to seek alliances and partnership especially in security and defense, but that seems to be the evolution of the geopolitics, it is a welcome evolution in my view and I think your visit here is a clear indication of that intent” pahayag in Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Binanggit ni Pangulong Marcos kay Cleverly na maraming maiaalok na oportunidad ang post-pandemic economy, sabay iginiit na “fast approaching” ang recovery ng mga bansa sa Southeast Asia.

Sumang-ayon naman si Cleverly na kailangang pahusayin ng dalawang bansa ang relasyon nito sa kalakalan at positibong nagpahayag na mayroon pa ring puwang para sa paglago sa hinaharap.

Kasabay ng pagkilala sa mga pagsisikap ng administrasyong Marcos na makaakit ng mas maraming dayuhang pamumuhunan, sinabi ni Cleverly na umaasa siya na ang mga British firm ay maglalagay ng negosyo sa Pilipinas sa tulong ng UK Export Finance (UKEF).

Samantala, ibinahagi naman ng British Foreign Secretary sa Pangulo ang kaniyang pakikipagpulong kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo kung saan pareho silang nagkumpara ng mga tala sa iba’t ibang posisyon ng kani-kanilang bansa, na itinatampok ang pagkakatulad ng UK at Pilipinas sa mga usapin sa mundo.

Ipinahayag din ni Cleverly ang napakalaking pasasalamat ng UK sa Pilipinas para sa pakikipagtulungan, partikular doon sa Filipino-British nurse na nagturok ng unang dosis ng COVID-19 vaccine sa kanilang bansa.

“To have a Filipino nurse delivering the first dose of what proved to be a lifesaving vaccine, which showed, I think the real symbiotic relationship that we have with the two countries, international research, the support of our countries around the world to fight this terrible pandemic,” saad ni Sec. James Cleverly, UK Foreign Secretary.

Bilang mabuting kaibigan ng UK, ipinarating ni Secretary Cleverly na nakikita niya ang maraming mga oportunidad upang mabuo ang relasyon sa Pilipinas.

Tinalakay rin ng UK official ang mga plano ng kanilang bansa para sa renewable energy at ang kahandaan nitong makipagtulungan sa Pilipinas partikular dito sa larangan ng offshore wind energy.

Bago nito, nakipagpulong din si Secretary Cleverly sa Philippine Coast Guard (PCG) kung saan napag-usapan ang maritime security, counterterrorism at environmental protection.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter