Pilipinas, hindi na ligtas sa POGO ayon sa ilang senador

Pilipinas, hindi na ligtas sa POGO ayon sa ilang senador

PATULOY na dumarami ang bilang ng mga senador na pabor para sa pagpapalayas ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pilipinas.

Ito ay matapos mailahad sa ilang pagdinig sa Senado na sa kabila ng kinikita ng pamahalaan dito ay mas malala naman ang dala nitong krimen.

Naniniwala si Senadora Cynthia Villar na hindi na ligtas sa kasalukuyan ang Pilipinas sa POGO matapos na lumabas sa pagdinig sa Senado na karamihan sa nagaganap na serye ng kidnapping sa bansa ay may kinalaman sa POGO.

Sa panayam kay Villar, sinabi ng mambabatas na maging ang pangulo ng China na si Xi Jingpin ay tutol na sa POGO kaya ipinagbabawal na niya ang mga Chinese na pumunta sa Pilipinas na baka magtrabaho sa POGO.

“Kasi alam mo ang China, si Xi Jinping ay ayaw na niya sa POGO. Kasi tingin niya yung pera sa China nila-launder sa POGO. So ini-stop na niya ang Chinese from coming to the Philippines dahil hindi na niya gusto. In fact, pinasara na niya ang lahat ng POGO sa  Cambodia . Eh ngayon yung POGO natin kumukuha na sa ibang bansa, ng mga empleyado. Pagpunta dito ay may kasama nang mga syndicate, sila yung nagpapapatay ng mga tao,” pahayag ni Villar.

Ipinunto naman ni Senadora Imee Marcos na hindi sapat ang ibinabayad ng bansa sa mga krimen at kidnapping na nangyayari sa mga POGO.

Sinabi rin nito na kung hindi kayang i-regulate o kontrolin ang POGO ay mas mabuting itigil na ito dahil sa maliit lang naman ang kinikita  mula rito at posibleng mas malaki pa ang mga “under the table” sa gobyerno.

“Ang duda ko mas malaki ang kinikita ng “under the table”, kaysa sa ibinibigay sa gobyerno. Kasi maniniwala ka ba naman, P4B lang ay magkano ang kinikita niyan. Ang pinaka-height nyan P6B, pero ang alam ko nasa P50B or more ang kinikita ng POGO mismo. Parang e-sabong din, okay kumikita ang gobyerno pero maliit kung ikukumpara sa kinikita ng nagpapatakbo and tayo agrabyado,” payahag ni Sen. Imee.

Dagdag din ni Imee, personal na niyang idinulog sa kanyang kapatid ang isyu tungkol sa POGO pero dedesisyunan pa lang kung paalisin nga ba ito ng bansa o hindi.

Ang pahayag ni Senadora Imee ay ikinatuwa naman ni Senate Minority Floor Leader Aquilino Pimentel III.

Para kay Senador Koko, ang patuloy na operasyon ng mga POGO sa bansa ay nakakatakot.

Kahalintulad aniya ito sa pagkakanlong ng mga kriminal na magdudulot ng gulo sa peace and order ng bansa.

“The continued operation of POGOs in the country is dangerous. It is akin to harboring would-be criminals and gangsters that can eventually cause massive disruption of peace and order in the country as we are beginning to see now with the spate of kidnapping incidence and other violent activities related to POGOs,” ayon kay Pimentel.

Para naman kay Senador Bong  Revilla, no way sa ating bansa ang mga dayuhang kriminal na nalalagay sa pangamba ang kaligtasan ng mga kababayan.

Sa kabila nito nilinaw ni Revilla na hindi niya pinaaalis ang POGO dahil malaki aniya ang tulong nito sa ekonomiya at turismo.

Subalit dapat na paalisin ang mga bulok na dayuhang kriminal sa bansa dahil magdudulot sila ng pangamba at takot sa ating mga kababayan.

“Sa atin naman dun sa POGO, hindi natin pinaalis ang POGO, alam natin na malaki ang kanilang naiaambag sa ekonomiya, sa turismo, pero ang ayaw natin ay yung kriminal na dayuhan. Hindi pupuwede sa atin sa Pilipinas ‘yan. No Way. They are creating fear and panic. So hindi pwede. Kasi pati yung mga maayos na Chinese businessmen nadadamay dahil sa ilang bulok so alisin natin yung bulok, i-deport natin sila at i-ayos ang dapat gawin nila,” ayon kay Revilla.

Sa kabila ng mga sinasabi ng kanyang mga kapwa senador ay nais naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hintayin ang magiging Committee report ng Senate Blue Ribbon ni Senador Ronald Bato dela Rosa na siyang nanguna sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa kidnapping at iba pang krimen.

“We’re awaiting the committee report of Senator Bato before we make a final decision. But on a personal note, we must weigh the social costs of POGO vis a vis the meager income they give to the national coffers of only 3B a year. Plus they do not employ Filipinos so there is no added benefit to our local labor force. So the question is, Is it worth it?? That will be tackled during the presentation of the Committee Report of Sen. Dela Rosa,” pahayag ni Zubiri.

Pero para sa dating PNP Chief at ngayong Senador Bato ay ayaw na rin nito sa POGO.

“First and foremost public safety talaga ang aking concern, I don’t care kung wala tayong kakainin. Sa akin ha, I don’t care kung wala tayong kakainin basta safe lang tayong mabubuhay dito. Ako wala akong pakialam masara yan sila kung ganoon sobra-sobra na ang nangyari na sirang-sira na ‘yung peace and order dahil sa kalokohan ng mga tao na ‘yan. Yeah pwede silang palayasin anytime,” ani Dela Rosa.

Matatandaan na sa pagdinig sa Senado ay inihayag din ni Finance Secretary Benjamin Diokno na dapat nang ihinto ang operasyon ng POGO dahil sa hindi maganda nitong naidudulot sa bansa.

Follow SMNI News on Twitter