Pilipinas, may panibagong pinakamataas na single-day record ng COVID-19 cases

Pilipinas, may panibagong pinakamataas na single-day record ng COVID-19 cases

ISANG araw lang matapos makapagtala ng bagong single day record, may panibago na naman na pinakamataas na bilang ng COVID-19 cases ang bansa nitong Linggo na umabot ng mahigit 28,000.

Ito ang kasalukuyang pinakamataas na naitalang single day record mula nang manalasa ang COVID-19 sa bansa.

Nasa 28, 707 ang eksaktong bilang ng mga kaso kahapon.

Nalampasan nito ang mahigit 26,000 cases na naitala noong Sabado.

Ayon sa Department of Health (DOH), 99% o 28, 512 sa panibagong mga kaso ay naitala sa nakaraang dalawang linggo.

Karamihan sa mga kaso ay nagmula sa Metro Manila na may 16,803, sunod ang CALABARZON na may 5,821, at Central Luzon na may 2,841.

Ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa sa ngayon ay halos magta-tatlong milyon na.

Nasa 4.3% 0 128, 114 dito ay aktibong mga kaso.

Karamihan naman sa active cases ay mild, mahigit dalawang libo ang moderate, lampas isang libo ang severe, at 309 ang kritikal.

May panibagong record din ng positivity rate ang bansa: 44% ito sa kasalukuyan, mas mataas kaysa  sa 5% na benchmark na itinakda ng World Health Organization (WHO).

Ang positivity rate ang tumutukoy sa porsyento ng mga taong sinuri na lumabas na positibo sa virus.

Pagdating naman sa COVID-19 deaths, labing lima ang binawian ng buhay kamakailan.

52, 150 na ang kabuuang namatay sa COVID-19 sa bansa.

Samantala, 93.9% o mahigit 2.7 million sa total cases ang gumaling na.

SMNI NEWS