BINULABOG ng isang email na naglalaman ng bomb threats ang 28 tanggapan ng gobyerno ng Pilipinas nitong araw ng Lunes.
Ang email ay mula sa nagpakilalang Takahiro Karasawa, isang abogado sa Steadiness Law Office sa Japan.
Ilan sa mga ahensiya ng gobyerno na nakatanggap ng banta ay ang Office of the Vice President (OVP), Department of Education (DepEd), Department of Tourism (DOT), Commission of Audit (COA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Information, Communication, and Technology (DICT), Commission on Higher Education (CHED), at National Housing Authority (NHA).
Sinabi ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center na nakikipagtulungan na ang Pilipinas sa bansang Japan upang matunton ang nasa likod ng bomb threat.
“We have asked the Japanese representative today to help us put a stop to this. In fact, the one hosting the email server, we requested that if they can conduct an internal investigation in Japan, why such content could proliferate coming from Japan. And they said they will coordinate with the necessary offices, to search Japan, to locate and put a to stop to this,” ayon kay Usec. Alexander Ramos, Executive Director, Cybercrime Investigation and Coordinating Center.
Napag-alaman na noong Setyembre 8, 2023, nagpadala rin si Takihiro ng bomb threat sa gobyerno kung saan target ang MRT-3.
Nito lamang Disyembre 2023, nakatanggap din ng parehong banta mula sa kaparehong sender ang DBM, NEDA, DOLE, NAPOLCOM, National Museum, at Pangil Elementary School.
Pero sabi umano ni Takahiro na na-hack lang ang kaniyang email.
Ayon pa sa CICC isa lamang hoax o panloloko ang nasabing banta.
Gayunpaman aniya kailangan pa ring seryosohin ang anumang banta ng pambobomba.
“Well, this is the advice from us, from Philippine National Police. Any bomb threat must be taken seriously, always, to prevent potential danger to the public. But their advice is, if you receive one, do not spread it. Let’s contain it and find out if the threat is real or a hoax. There are more people who will get hurt,” dagdag ni Ramos.
Maliban sa Pilipinas, nakatanggap din ng kaparehong bomb threat ang mga bansang Taiwan, Korea, Japan, at Malaysia.