NASA ika-26 na pwesto ang Pilipinas sa pinakabagong naval fleet strength sa buong mundo para sa taong 2021.
Ayon sa taunang Global Fire Power review, batay ito sa dami ng bilang ng warships ng isang bansa gaya ng aircraft carriers, submarines, helicopter carriers, corvettes, frigates, coastal types, amphibious assault/support vessels, AT auxiliaries.
Kabilang sa mga nangungunang bansa ang:
China ~ 777 warships
Russia ~ 603 warships
North Korea ~ 492 warships
United States ~ 490 warships
Colombia ~ 453 warships
Sinundan ito ng mga bansang Iran, Egypt, Thailand, India at Indonesia na may mahigit sa dalawandaang bilang ng warships ngayong taon.
Habang nasa 26 na pwesto ang Pilipinas na may 103 na bilang ng iba’t ibang uri ng warships.
Batay sa datos, naungusan pa nito ang bansang Pakistan at United Kingdom na nasa ika-27 at ika-28 na pwesto.
Samantala, batay sa military strength mula sa kaparehong pag-aaral, nangunguna naman ang bansang Amerika, sinundan ng Russia, pangatlo ang China, pang apat ang India at ikalimang pwesto ang Japan mula sa 140 na mga bansa sa buong mundo.
Mula dito, nakuha ng Pilipinas ng ika-48 na pwesto na may power index na 0.8219 at ika-21 na pwesto naman sa Asian Military Strength (2021) annual defense review.
Ilan sa mga ipinagmamalaki ngayon ng buong Armed Forces of the Philippines ang mabilis na modernisasyon ng mga karagatang pandigma ng bansa gaya BRP Jose Rizal FF 150, BRP Antonio Luna (FF-151), BRP Conrado Yap (PS-39), BRP Tarlac (LD-601), BRP Gregorio Del Pilar (PS-15), BRP Ramon Alcaraz (PS-16).
Bukod sa surface combatants ng bansa, hindi na rin mabilang ang mga biniling patrol boats at support vessel ng bansa, naval air wing, at ship weapon system.
Noong Disyembre 2019 una nang nakipag-usap si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa bansang France para sa pagbili ng bansa ng dalawang Scorpene-class submarine, bahagya lamang itong naantala dahil sa pagpasok ng pandemya dulot ng COVID-19.