NAGPATUPAD ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) ng adjustment sa target growth ng Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas para sa taong ito ng 2024.
Sa isang press briefing sa Malacañang nitong Huwebes, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, mula sa 6.5% hanggang 7.5% na orihinal na target, ginawa itong 6% hanggang 7%.
Gayunpaman, sinabi ni Balisacan na nasa track pa rin ang Pilipinas sa pagkamit ng upper middle-income economy status sa 2025.
Ito ay sa kabila ng rebisyon ng economic target ng bansa para sa 2024.
Inilahad pa ng kalihim na ang naturang adjustment ay hindi makaaapekto sa layunin ng administrasyon pagdating sa usaping pang-ekonomiya.
“No, because with the six to seven percent is quite a high growth that still fall within the realm of possibility for our entry to the upper middle-income class to threshold of almost $4.5-K in gross national income per capital,” ayon kay Sec. Arsenio Balisacan, NEDA.
Ipinunto ni Balisacan na ang anim hanggang pitong porsiyentong target growth ng GDP ay tiyak na patuloy pa ring maipagkakaloob ng bansa ang isang matatag na trabaho para sa mga Pilipino.
Kasabay rito, idiniin ng kalihim na ang layunin ng administrasyong Marcos ay hindi lamang ang antas ng trabaho, kundi ang kalidad ng trabaho.
“And therefore, even as we see unemployment numbers to continue to be low, the quality of the employment produced will provide more income opportunities for our people so that they will be able to get out… our fellow countrymen will move out of poverty as soon as possible,” ani Balisacan.
Mababatid na inayos din ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang target na paglago para sa 2025.
Mula 6.5 hanggang 8.0 porsiyento, ay ginawa itong 6.5 hanggang 7.5 porsiyento.
Pinanatili naman ang mga target growth ng GDP bansa na 6.5 hanggang 8 porsiyento para sa 2026 hanggang 2028.
Ang mga target na paglago na ito ay magpapanatili sa posisyon ng bansa bilang isa sa pinakamabilis na lumalagong umuusbong na ekonomiya sa Asia Pacific Region, ayon kay Balisacan.
Bukod pa rito, sa yugtong ito ng paglago, saad ng NEDA, ‘on track’ pa rin ang Pilipinas sa pagbabawas ng poverty incidence, mula 18 porsiyento noong 2021 patungo sa target na single digit level pagsapit ng 2028.