ISA sa pinag-aaralan ngayon ang posibleng pagbabalik ng Pilipinas sa Rome Statute, ang kasunduan noong taong 2002 na nagbuo at nagtayo sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa Department of Justice (DOJ), bahagi ang pag-aaral na ito sa legal briefer na kanilang ibibigay kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kung saan makikita ang pros at cons ng iba’t ibang opsiyon sakali mang may warrant of arrest nang ibibigay ang ICC.
Nilinaw naman ni DOJ Asec. Mico Clavano na nananatiling walang hurisdiksiyon sa Pilipinas ang ICC at hindi rin nagbago ang paninindigan ng pamahalaan hinggil dito.
Ang pahayag na ito ng DOJ ay kasunod sa isiniwalat ng dating senador na si Sonny Trillanes na malapit na umanong ilabas ng ICC ang kanilang warrant of arrest laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kaugnay pa rin ito sa umano’y extrajudicial killings na nangyari sa ilalim ng drug war campaign ng Duterte administration.