NAPAKA-vulnerable ng Pilipinas sa mga cyber attack ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Mula 2020 hanggang 2022, higit 54,000 na cyber attacks ang namonitor ng DICT kung saan higit tatlong libo rito ay tuluyang naka-penetrate sa systems at networks ng iba’t ibang organisasyon sa bansa.
“We recorded more than 3,000 incidents, are high level incidents of attacks. 50% of which are to government and to emergeny response teams,” pahayag ni Asec. Jeffrey Ian Dy, DICT.
Pinakakaraniwang cyber attack ayon sa DICT ay pagkakalat ng tinatawag na ‘malware’ na maaaring magnakaw o magmanipula ng mga sensitibong impormasyon mula sa isang computer o cellphone.
Batay sa datos ng Kaspersky Security Network, pumapangalawa ang Pilipinas sa mga bansang inaatake ng mga web threat mula Enero hanggang Disyembre noong 2022.
Pilipinas, nangangailangan ng 200-k cybersecurity professionals – DICT
Aminado ang DICT na kulang na kulang talaga ang mga cyber security professional sa Pilipinas para tumugon sa mga hamong ito.
Isa sa mga nakikitang dahilan ay ang mababang sahod at kakulangan ng insentibo.
“In some of our research they are saying na atleast 200,000 professionals need to be produced within next one to two years,” dagdag ni Dy.
“Napakakonti ng cybersecurity professional na nagpapractice dito. In fact cybersecurity professionals na pilipino, sa Singapore pa na nagtatrabaho. Kulang sa ibang bansa, syempre, mas malaki ang sweldo doon. Doon sila nauuna,” ayon naman kay Usec. Paul Joseph Mercado, DICT.
Si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ay inatasan na ang DICT na maghanap ng makatutulong sa pagdepensa sa bansa mula sa mga cyberattack.
Bilang isa sa mga tugon sa utos ng Pangulo, isinagawa ng DICT sa pamamagitan ng CERT PH ang HackforGov capture-the-flag competition sa pangalawang pagkakataon na layong sukatin ang cybersecurity skills ng mga kalahok na estudyante.
“With this, nakikita natin na… Tumatawag tayo sa lahat. Kasi marami diyan eh. Hindi lang natin alam kung sino. So we’re giving them a platform para magpakita sila sa atin. And hopefully, eventually makatulong din sa atin,” dagdag naman ni Mercado.
Isa ang team ni Piolo mula sa De La Salle University sa 20 teams na lumahok sa nasabing kompetisyon.
Binigyang-diin ni Piolo ang kahalagahan na maituro ang cybersecurity skills sa mga kabataan.
“Mas maganda talaga na from a young age talagang naexposed na po yung mga students and mas lalo na yung public. Kasi nga naman (inaudible) marami nang nagiging part of the internet tinatawag nating mga netizens,” ani Piolo Francisco, estudyante.
DICT, nakipag-ugnayan sa CHED para mas maparami ang paaralang mag-aalok ng cybersecurity courses
Pero ayon sa DICT limitado lamang ang mga kolehiyo at uinbersidad na nag-ooffer ng cybersecurity courses.
Dahil dito nakikipag-ugnayan na ang ahensiya sa Commission on Higher Education.
“We’re working with the Commission on Higher Education to offer courses in cybersecurity. You’ll be surprised na until now we don’t have even a master’s degree that is concentrated in cybersecurity,” ani Dy.
Pinag-aaralan din ng ahensiya na magbigay ng mga scholarship sa cybersecurity courses.
Pagpapalawig ng SIM registration deadline, pag-uusapan – DICT
Samantala, humiling na ang Smart at Globe para palawigin ang SIM registration.
Ito naman ang naging tugon ng DICT.
“Wala pang policy kung mag-eextend. Pinag-uusapan siya ngayon. We are mindful of the April 26 deadline midst of the very low adaption or registration statistics,” ayon kay Dy.