NAGING mainit kasama si Sen. Robinhood Padilla ang pilot episode ng pinakabagong programa ng smni na “3PM – Pilipinas Muna”.
May bagong programa ngayon sa SMNI News Channel na makatutulong sa taumbayan na maintindihan ang mga napapanahong isyu at talakayan.
Ito ang 3PM Luzon Visayas Mindanao – Pilipinas Muna na mapapanood tuwing alas 9 ng gabi kada Lunes, Miyerkules, at Huwebes kasama ang host na si Peter Flores Serrano.
Sa unang episode ng programa nitong Lunes, naging unang panauhin ang aktor at ngayo’y Sen. Padilla.
Sa unang bahagi pa lang ng programa, naging mainit agad ang talakayan kaugnay sa kahalagahan ng pag-amyenda sa Konstitusyon ng Pilipinas.
Iginiit ni Sen. Padilla na dapat nang mabago ang Konstitusyon ng Pilipinas at magkaroon ng unicameral system.
“Unang dapat natin baguhin, inshallah, ipahintulot ng Panginoon, ay maging unicameral na lang tayo. Bumalik tayo sa unicameral. Isang House na lang, wala nang Senado, wala nang House. (parliamentary). Parliamentary form of government.”
“Napakalaking bagay po kasi kung unicameral na lang tayo. (bakit senator?) Aba, sa paggawa pa lang po ng batas, mabilis na yan,” pahayag ni Sen. Robinhood Padilla, Republic of the Philippines.
Ayon pa sa butihing senador, wala na sa panahon ang 1987 Constitution at maraming nasasayang na pera sa kasalukuyang sistema ng gobyerno ng Pilipinas.
Inihalimbawa pa nito ang proseso ng paglikha ng batas sa Pilipinas.
Kahit aniya na magkasundo ang Kamara at ang Senado sa isang panukalang batas, matapos dumaan sa tatlong hearing, maaari pa rin itong i-veto ng Presidente.
Naniniwala rin si Sen. Padilla na panahon na upang palawigin o habaan pa ang termino ng pangulo ng Pilipinas.
Para kay Sen. Padilla, napakahalaga para sa isang presidente na maipagpatuloy ang kaniyang nasimulan.
Hindi ani Sen. Padilla na mangyayari ang pagbabago na hinahangad ng mga Pilipino kung hindi maghahalal ng bago at kung mananatili na luma ang konstitusyong ginagamit.