Pilot test ng FSP ng DSWD, magsisimula sa 2nd half ng 2023—Sec. Gatchalian

Pilot test ng FSP ng DSWD, magsisimula sa 2nd half ng 2023—Sec. Gatchalian

MAGSISIMULA ang pilot test ng Food Stamp Program (FSP) sa 2nd half ng 2023.

Ibinida ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)  ang kanilang FSP kasunod ng reorganization sa Inter-Agency Task Force on Zero Hunger.

Layunin ng programa na maibsan ang gutom at kahirapan para sa mga pamilyang kabilang sa lowest income bracket.

Iprinesenta ng DSWD ang bagong programa ng ahensiya na magbibigay ng food augmentation sa mga mahihirap na pamilya.

Ang programa ay kilala bilang “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program”.

Ang ikinasang programa ay kasunod ng pagkakalagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Executive Order No. 27 o ang reorganization sa Inter-Agency Task Force on Zero Hunger.

Sa pulong-balitaan na inorganisa ng Presidential Communications Office (PCO) ngayong Martes, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na  nakaangkla ang programa sa Philippine Development Agenda 2023-2028 ng administrasyong Marcos sa pagtugon sa parehong kagutuman at kahirapan.

Gayundin sa pagbabawas ng insidente ng involuntary hunger sa mga pamilyang Pilipino na kabilang sa lowest bracket income, na natukoy at nakapaloob sa kamakailang Listahanan 3 ng DSWD.

 “With the restructuring of the Inter-Agency Task Force on Zero Hunger, we assured of a stronger and more efficient system and mechanism to mitigate hunger and poverty in the country. This is also part of our commitment to the United Nations sustainable development goals in attaining the “Ambisyon Natin 2040,” ayon kay Sec. Rex Gatchalian, DSWD.

Inilahad naman ng DSWD chief na nakatakdang i-pilot-test ng ahensiya ang FSP nito sa 2nd half ng 2023.

Dagdag pa ng kalihim, nasa design stage na sila ng programa upang maayos na punan ang mga kakulangan na maaaring hindi mapansin sa implementasyon nito.

“Mayroon na tayong first draft ng design and we will spend the remaining months of May and June in the design stage. We all know that the devil will be in the details and we have hired multiple consultants in the department to take a second look at what’s being designed para may check and balance,” dagdag ni Gatchalian.

Nakikipagtulungan din ang DSWD sa Philippine Statistics Authority (PSA) para sa naturang programa.

 “Also, we are working with PSA’s in-house poverty expert who is their Usec – Usec. Dennis Mapa – he is helping us craft the concept there. So, the remaining May and June, we will work with designing it. Now, July to December will be the pilot run for those regions that we’ve identified. We actually have the municipalities but we just wanna vet them properly,” ani Gatchalian.

May tinukoy na 5 pilot sites ang DSWD na nagmumula sa iba’t ibang geopolitical characteristics—1 sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na conflict-area; 1 sa geographically isolated regions or provinces; 1 sa urban poor settings; 1 sa calamity-stricken areas; at 1 rin sa rural poor area.

Idinagdag pa ni Gatchalian na ang FSP ay planong ipatupad gamit ang electronic benefit transfers system para sa food credits na nagkakahalaga ng P3-K.

Ito’y ibibili ng pagkain sa mga DSWD-accredited retailer.

Target na mabenepisyuhan ng programa ang 1-M kabahayan mula sa Listahanan 3 na kabilang sa food-poor criteria na tinukoy ng PSA.

Partikular na mapagkakalooban ng tulong ang mga mahihirap na pamilya na may kinikita lang na mas mababa pa sa P8-K kada buwan.

“In the case of the food stamps, ang plano natin diyan like I said it’s targeted because we’ve already identified the one million food-poor families – these are families that do not make beyond P8-K according to the PSA – P8-K monthly. So that’s the target side of it,” aniya.

Samantala, nagpasalamat naman si Gatchalian sa Asian Development Bank (ADB) sa pagbibigay ng halos $3-M para sa 6 na buwang pilot run ng naturang food program.

Magugunitang bumisita nitong Lunes si Pangulong Marcos sa ADB headquarters at nakapulong si ADB President Masatsugu Asakawa.

Kabilang sa kanilang natalakay ang inaasahang suporta mula sa ADB para sa pagpopondo sa FSP ng pamahalaan.

 “One of the things that is in the pipeline, that is being developed, that is going to be of great assistance to our people is a proposal by the DSWD for a food stamp program,” ayon kay Pangulong Marcos.

Inihayag naman ni Gatchalian na inaasahan nilang mailunsad ang aktuwal na pag arangkada ng FSP sa 1st quarter ng 2024.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter