Pilot testing ng digitalized IDs, gagawin sa Oktubre – PSA

Pilot testing ng digitalized IDs, gagawin sa Oktubre – PSA

MAGSASAGAWA ng pilot testing ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa mga printable digitalized IDs na ilalabas sa unang linggo ng Oktubre.

Dadaan din sa security check ang mga naturang digitalized IDs upang matiyak ang mga ito ay ligtas gamitin laban sa anumang hacking.

Sa panayam kay PSA Undersecretary Dennis Mapa, National Statistician and Civil Registrar General, sinabi nito na plantsado na para sa pilot testing ang printable IDs na pupuwede gamitin bilang national ID.

Ayon pa kay Usec.  Mapa, nasa 20 milyong printable IDs ang target na sumailalim sa pilot test, kung saan pinaghati sa dalawa ang digitalized IDs una rito ang printable IDs na pupuwede i-print sa mga registration center habang pupuwede ring gamitin ang mga smartphone.

Inaasahang magsisimula ang pilot testing sa unang linggo ng Oktubre.

Aniya, sa pamamagitan lang ng QR code ay pupuwede mo nang ma-access o malaman ang personal information ng isang indibidwal.

Paglilinaw pa ng opisyal, hindi dapat mangamba ang mga Pilipino sa paggamit nito dahil ito ay dumaan sa masusing security check bago ang opisyal na pilot test.

Sa usapin naman ng physical IDs, dagdag pa ni Usec. Mapa na sinisikap nilang maabot ang target na 30 milyong physical cards.

Giit nito, nasa 19 milyon pa lang ang kanilang nagagawa at ito ay na-transfer na sa post office na katuwang ng PSA sa pagde-deliver ng mga card.

Target din ng PSA na matapos ang 50 milyong national IDs sa katapusan ng Disyembre ng kasalukuyang taon na mandato ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. sa ahensiya.

Follow SMNI News on Twitter