TINIYAK ni Senator Koko Pimentel na hindi ito magiging “obstructionist” sa Marcos administration kahit pa sa minorya na ng Senado siya aanib sa papasok na bagong Kongreso.
Sa ngayon ang malinaw pa lamang na bubuo ng Senate Minority sa 19th Congress ay sina Senator Risa Hontiveros na dati ng oposisyon sa 18th Congress at si Senator Koko Pimentel na dating nasa mayorya.
Giit lang ni Pimentel na pagdating sa Senate rules ay kailangang masunod ito at mapakinggan ang lahat ng point of views sa mga tatalakaying panukalang batas.
Aasahan din daw na magkakaroon naman ng unanimous vote sa Senado para sa mga panukalang batas na makatutulong naman sa bansa at pasok sa kanilang prinsipyo at paniniwala.
Pagdating naman sa mga controversial bills, nakahanda rin aniya ang senador sa magiging resulta ng botohan sa Senado.
May maganda namang komento ang senador pagdating sa napiling miyembro ng gabinete ni Marcos.
Dagdag naman nito na ang appointment ng iilan sa mga appointee ni Marcos ay kailangangan pang dumaan sa Commission on Appointments (CA).
Ayon kay SP Tito Sotto III, tanging ang appointment lamang ni President-elect Bongbong Marcos Jr. bilang susunod na DA Secretary at VP-elect Inday Sara Duterte bilang incoming DepEd Secretary ang hindi na kailangang dumaan sa CA.