Pinalawak na petrochem manufacturing facility sa Batangas, bubuo ng 6,200 trabaho—PBBM

Pinalawak na petrochem manufacturing facility sa Batangas, bubuo ng 6,200 trabaho—PBBM

DINALUHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang inagurasyon ng pinalawak na petrochemicals manufacturing facility ng JG Summit Olefins Corporation (JGSOC).

Ginanap ang event sa JGSOC Petrochemical Complex sa Brgy. Simlong, Batangas City nitong umaga ng Biyernes, Enero 19, 2024.

Kasama sa dumalo sa event sina JGSOC President and CEO Arnel Santos, JG Summit Holdings, Inc. (JGSHI) President and CEO Lance Gokongwei, Batangas Gov. Hermilando Mandanas, DTI Sec. Alfredo Pascual, at iba pang opisyal.

Sinabi ni Pangulong Marcos na isang ‘upstream industry’ ang nasabing complex na katuwang ng maraming negosyo.

Nakabebenepisyo ito sa local plastic businesses sa pamamagitan ng pagbibigay ng tuluy-tuloy na suplay ng mga materyales na ito.

Bukod dito, binabawasan din nito ang mga gastos, pinapagana ang pagtaas ng produksiyon at pinahuhusay ang pagiging mapagkumpitensiya sa naturang industriya.

Bilang karagdagan, ang planta ay gumagawa ng iba pang mga kemikal na ginagamit sa mga pintura, plastik, goma, at iba pang mga produkto.

Ang Gokongwei-led conglomerate ay ang pinakamalaking manufacturer ng polyolefins sa bansa – isang uri ng thermoplastic material na ginagamit sa produksiyon ng food packaging, water bottles, pagbibigay ng mga materyales sa pabahay at iba pa.

“What it produces ends up in the packaging of the food we eat, in the clothes we wear, in the appliances in our homes, in that cars we drive, and in the electronic gadgets that we use to chronicle our daily lives,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Binanggit pa ni Pangulong Marcos na nagkakahalaga ng mahigit P150-B ang pagpapatayo ng nasabing complex at inaasahang lilikha ng 6,200 trabaho.

Malaking kontribyutor din ang pasilidad sa industriya na nakikitang magpapayaman sa ekonomiya ng bansa ng P215-B sa susunod na taon.

Inihayag naman ni Gokongwei na ang pinalawak na manufacturing complex ay bilang suporta sa 2023-2028 Philippine Development Plan ng administrasyon.

“This sizeable investment is borne out of our firm belief that having a strong local petrochemical manufacturing base will support the revitalization of Philippine industry and help the country move up the global value chain,” ayon kay Lance Gokongwei, Pres. & CEO, JG Summit Holdings, Inc.

Tiniyak naman ni Santos ng JGSOC, na committed ang kompanya na maghatid ng innovative products na crucial sa kalusugan at kaligtasan ng mga Pilipino.

Pagsugpo sa red tape at pagpondo sa high-impact infrastructure, iniutos ni Pangulong Marcos sa economic team

Kasabay rin ng naturang event, inutusan ni Pangulong Marcos ang economic team ng kaniyang administrasyon na wakasan ang red tape sa hanay ng pagnenegosyo dahil hahadlangan aniya nito ang pag-unlad ng bansa.

“The bottom line of their assigned mission is this: To reduce red tape that chokes industry and innovation and replace it with a red carpet that ushers in capital, foreign and domestic, and provides the path towards progress,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Isinalaysay rin ni Pangulong Marcos na ang kaniyang economic team na kinabibilangan ni Finance Sec. Ralph Recto at investment czar Frederick Go ay inatasang palaguin ang ekonomiya.

Ipinag-utos din ng Pangulo na palakasin ang mga insentibo, pondohan ang high-impact infrastructure at isulong ang ease of doing business.

“It is my firm belief that the government should not be a yoke on the back of business, like taxing them heavily, and tightly regulating their growth, making the ease of doing business a sticking point for possible investors,” ani Pangulong Marcos.

Ipinahayag pa ni Pangulong Marcos na ang pamahalaan ay magpapatuloy sa pagbuo ng mga trabaho, pagpapalago ng ekonomiya, pagpapalaki ng mga kita, pag-akit ng mga mamumuhunan, at pagpaparami ng mga oportunidad para sa kaunlaran.

Bago nagbigay ng kaniyang talumpati, nilibot muna ng Pangulo ang 160-ektaryang pasilidad kasama ang mga opisyal ng nabanggit na kompanya.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter