BAKAS sa mukha ng Pinoy World Champion na si Melvin Jerusalem ang hindi matatawarang saya nang umuwi ito sa Pilipinas, Lunes ng hapon.
Matatandaan nitong Linggo naagaw ng pambato ng Pilipinas na si Melvin Jerusalem ang World Boxing Council (WBC) minimumweight belt ng Japanese na si Yudai Shigeoka sa International Conference Hall sa Nagoya, Japan sa pamamagitan ng 12-round split decision.
Ito ang ikalawang panalo ni Jerusalem sa Land of the Rising Sun.
Si Jerusalem din ang kauna-unahang Pinoy na nanalo sa Japan ng World Championship.
Natalo sana si Jerusalem kung hindi dahil sa dalawang knockdown na naitala niya sa ikatlo at ikaanim na round.
Para kay Jerusalem ang matinding training ang naglakas ng tibay at loob sa kaniya para masungkit ang world champion.
Hindi rin aniya siya naging kumpiyansa sa mga kalabang Hapon.