BUWAN lamang ng Enero nang makaranas ng matinding pagbaha ang Davao at Caraga Region dahil sa shearline.
Ang shearline ay ang pagsalubong ng mainit at malamig na hangin sa taas na nagdudulot ng mga pag-ulan.
Batay sa pinakahuling datos ng Department of Agriculture Disaster Risk Reduction and Management (DA-DRRM) Operation Center, umakyat na sa higit P135-M ang halaga ng pinsala sa agrikultura.
Umabot na sa mahigit 9,000 ektaryang lupain ang naapektuhan ng shearline habang 1,141 metriko tonelada ng mga palay, mais, at gulay na nasa vegetative stage o katatanim lang ang nasira.
Aabot naman sa halos 7,000 mga magsasaka sa Davao at Caraga Region ang naaapektuhan dahil sa sama ng panahon.
Ayon sa DA, inaaasahan na mas tataas pa ang halaga ng pinsala dahil nagpapatuloy pa ang ginagawang assessment ng DA sa iba pang mga rehiyon.
Sa monitoring ng DA, sinabi ni DA Assistant Secretary at Spokesperson Arnel de Mesa na hindi nakaapekto sa kabuuang suplay o produksiyon partikular na sa palay ang epekto ng shearline.
“Sa ngayon, maliit lang naman siya na portion ng total production natin. Sa ngayon, mayroon tayong in place na buffer seeds for rice, corn and high value para doon sa mga naapektuhang magsasaka na when they ready to plant again naka-standby ito,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
Maaari ding mag-loan ang mga apektadong magsasaka ng hanggang P25,000 na walang interes sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) loan program.
Naka-standby rin ang pondo na maaaring itulong ng ahensiya mula sa Quick Respond fund (QRF) para sa rehabilitasyon ng mga naapektuhang pasilidad.