NINANAIS ng beteranong aktor na si Piolo Pascual na gumanap bilang si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos, Sr. sakaling magkaroon ito ng biographical film.
Paliwanag ni Piolo, ipinanganak siya noong 1970s kung saan ang pangulo ng Pilipinas ay si F.E.M. at isa siya sa mga prominenteng tao ng kaniyang kabataan.
Umabot pa ng 1980s ang pagiging pinuno ng bansa ng nakatatandang Marcos at dagdag pa ng beteranong aktor, nagtrabaho rin ang kaniyang ina sa Malacañang sa mga panahong ito.
Ang pagnanais na gumanap bilang F.E.M. ay bahagi na rin sa target ni Piolo na magkaroon ng mga proyekto na labas sa kaniyang nakagawiang rom-com genre.
Lubos naman na pinasalamatan ni Pascual ang lahat na mga sumusuporta sa kaniyang career bilang aktor sa musical play na “Ibarra”.
Aniya, hindi nito linya ang teatro subalit dahil nga’t nakasungkit siya ng award ay nangangahulugan lang na nagbunga aniya ang lahat ng kaniyang pagsisikap.
Sa naganap na 36th Aliw Awards noong Disyembre 11, 2023 ay panalo bilang Best Lead Actor si Piolo.