PNP Chief tiniyak ang mga hakbang laban sa cashless vote buying

PNP Chief tiniyak ang mga hakbang laban sa cashless vote buying

PINAG-AARALAN na ngayon ng Philippine National Police (PNP) katuwang ang Commission on Elections (COMELEC) para bumuo ng mekanismo para maiwasan ang vote buying gamit ang online banking o cash transfer mobile applications habang papalapit na ang panahon ng eleksyon.

Naniniwala ang PNP na hindi malayong gumawa na naman ng panibagong paraan ang ilang indibidwal o mga grupo na tagasuporta ng isang kandidato para makatiyak ng boto ngayong eleksyon.

Kaugnay nito tiniyak ni PNP Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar na agad nitong sinimulan ang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya hinggil sa bagay na ito.

“Hindi po malabong mangyari ito dahil nakagawian na rin po ang cashless transactions lalo ngayong may pandemya. Talagang maiisip ito ng mga taong nagpaplanong manghikayat sa publiko na ibenta ang kanilang boto,” pahayag ni Gen. Eleazar.

Sa kabilang banda, naniniwala ang PNP na hindi magiging madali ang kanilang trabaho dito pero titiyakin nitong babantayan ang mga lugar at mga botante habang papalapit ang botohan.

“Monitoring vote-buying activities in the 2022 elections will really be a great challenge to us but I assure the voting public that we will put in place safeguards against this practice,” wika ni Eleazar.

Sa huli, hinikayat din ng PNP Chief ang mga botante na huwag pumasok sa ganitong klase ng aktibidad at agad ipagbigay-alam lang sa kanila kung may malalaman silang mga tao na gumagawa ng ganitong uri ng pandaraya sa eleksyon.

Ang vote-buying at vote-selling ay ipinagbabawal sa ilalim ng Section 261 ng Omnibus Election Code.

“I urge the public to be vigilant and report to authorities if they have information on vote buying done through online platforms,” ani Eleazar.

“Tulungan ninyo kaming mapanatiling malinis at maayos ang gagawing halalan,” dagdag ng PNP chief.

Binigyang diin pa ng liderato ng PNP na ang mga politiko aniya na bibili ng boto ay walang magandang hangarin para sa bayan kundi pansariling interes lamang.

Oras na makaupo ang mga ito ay tiyak na babawiin lang ang mga nagastos mula sa ipinagbiling boto.

(BASAHIN: COMELEC nakapagtala ng 3M voter registration applicants sa gitna ng pandemya)

SMNI NEWS