LIMITADO pa rin ang impormasyon kaugnay sa nahuling shabu sa Batangas ayon sa Philippine National Police (PNP).
Dalawang linggo matapos ang pagkakasabat sa mahigit isang toneladang shabu sa Brgy. Alitagtag, Batangas, nananatili pa ring tipid ang mga awtoridad sa totoong pinagmulan ng naturang droga.
Sa panayam ng media sa Kampo Krame kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, sinabi nitong umuusad naman ang kanilang imbestigasyon pero hindi pa rin sila makapagpalabas ng anumang datos ukol dito.
Sa katunayan, mayroon na silang hawak na pagkakakilanlan ng dalawang persons of interest at ilang sasakyan na posibleng may kaugnayan sa nasabing malaking droga.
“Sa ngayon ay wala pa pong ibinigay na update sa atin kung na-establish na po ba ‘yung ibang mga sasakyan na subject po ng ating investigation. But, according to General Lucas earlier they are now in close coordination sa prosecutor po ng DOJ po,” ayon kay PCol. Fajardo.
Pero pagtitiyak ng PNP, tuluy-tuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon para matumbok kung sino-sino ang nasa likod sa pagkakasabat ng mahigit na isang toneladang droga na ito.
Kaugnay rito, bumuo na ng task force ang DOJ para tulungan ang PNP CALABARZON sa imbestigasyon at case build up.
Sa ngayon, hindi lamang sa PNP at DOJ gumugulong ang kaso dahil pati ang Senado ay nagsagawa na rin ng pagdinig ukol rito.