PNP pinamamadali ang pagresolba sa election-related incidents

PNP pinamamadali ang pagresolba sa election-related incidents

PINAMAMADALI ni PNP Chief Rommel Francisco Marbil sa mga tauhan nito ang pagresolba sa mga naitalang election-related incidents nitong nagdaang midterm elections.

Matatandaang, nakapagtala ang PNP ng 97 validated ERIs kasabay ng pagtitiyak na mapananagot ang lahat ng sangkot sa insidente ng karahasan.

Bukod sa mga pagpatay, kabilang din sa mga naitala ang pananakot sa panahon ng eleksiyon.

“Direktiba ito mismo ng ating Pangulo—huwag nating hayaang madungisan ng karahasan ang proseso ng demokrasya. Ang PNP ay kikilos nang mabilis, tama, at may transparency upang maresolba agad ang mga kaso,” ani PNP Chief Rommel Francisco Marbil.

Ang 97 validated ERIs ay kasalukuyang iniimbestigahan, at ilan sa mga ito ay may mga paunang lead na. Inatasan ni Gen. Marbil ang lahat ng Regional at Provincial Directors na magbigay ng regular na ulat sa progreso ng kanilang mga kaso at siguruhing mapanagot ang mga salarin ayon sa batas.

Hinihikayat ng PNP ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyon na makakatulong sa pagsisiyasat sa mga kaso ng election-related incidents sa pamamagitan ng mga lokal na himpilan ng pulisya o opisyal na hotline.

Ang 2025 National and Local Elections ay maituturing na pinakamaayos at pinakapayapang halalan sa kasaysayan ng bansa, isang patunay sa matatag na demokrasya ng sambayanang Pilipino.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble