SA problemang kinakaharap ng bansa sa iligal na droga, ang malaking puntirya ng mga sindikato at pusher ay ang mga kabataan.
Sa murang edad ay nalulong na ang ilan sa mga ito dahil sa kakulangan sa patnubay at gabay ng pamilya.
Kadalasan din sa mga nasasangkot sa mga pangunahin krimen gaya ng pagpatay, pagnanakaw, at panggagahasa ay mga may kinalaman sa iligal na droga.
Kaya naman nagkaroon ng isang pagpupulong sa pagitan ng mga leaders ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) sa Police Regional Office 5 ng Bicol nitong linggo.
Dinaluhan ng regional leaders ng KKDAT ng Bicol at mga opisyales ng Philippine National Police sa pangunguna ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang isang pagpupulong para talakayin ang tungkol sa iligal na droga.
Kasama rin sa mga dumalo si Regional Director PBrig. Jonel Estomo ng Region 5, commander ng area ng Southern Luzon na si Directorate for Integrated Police Operation PLtGen. Ferdy Devina at director ng DTCR na si PMajGen Rodel Sermonia.
Ang naturang pagpupulong ay ginawa para mapalakas ang ugnayan ng mag kabataan at ng pulisya para mahinto na ang pagpapakalat at paggamit ng iligal na gamot at labanan ang mga terorismo sa bansa.
Nanumpa naman ng katapatan sa pamahalaan at kapulisan ang mga magulang ng kabataan ng KKDAT Bicol para tuluyan nang wakasan ang problema sa insurhensya at terorismo at iligal na droga.
Ayon kay Eleazar, ngayon panahon lamang ni Pangulong Duterte nagkaroon ng political will para tuluyan nang wakasan ang mga naturang problema.
“Nasaksihan ko yan dito sa aking pagiging officer of the Philippine National Police natin ang problema sa iligal na droga nagsimula sa maliit, lumaki nang lumaki buti na lamang sa panahon ng ating pangulo nagkaroon ng political will para once and for all magkaroon ng Whole of the Community Approach para ito ngayon ay matutukan,” pahayag ni Eleazar.
Sinabi pa ng heneral na malaking prevention kapag ang mga kabataan mismo ang magiging masigasig sa pagsugpo sa iligal na mga aktibidades.
“Sinasabi nga natin na through your organization kayo mismo na namumuno, kayo mismo na kabilang sa sektor ng kabataan kung kayo mismo ang magiging masigasig na magtutulak at magtuturo para tigilan itong problema sa iligal na droga malaking bagay yun para sa prevention,” ani Eleazar.
Ang kabataan naman ang laging pinupuntahan ng mga sindikato ng droga dahil sa madaling ma-addict ang mga ito.
“Kung walang gagamit niyan wala nang magsusuplay at kayo ang mas malaking bahagi. Kayo ang pilit na pinupuntahan ng sindikato ng droga dahil alam nila na kayo ay nakatikim na nito kaya nga addictive eh, diba? Diba sinasabi nga natin kung mai-engganyo natin ang kabataan ang inyong kasamahan na ‘wag na lang subukan pa ito napakaganda, dahil nga sa konseptong addictive once na sinubukan andun ang paghahanap para ulitin hanggang malulong hanggang magkaroon ng problema,” ayon kay Eleazar.
“Alam natin na ang unang nagiging dahilan ang kulang sa pagtutok ng ating sambayanan sa problemang ito at sino ang unang nabibiktima ay ‘yung mga kabataan kayo na pwede mag-eksperimento dito sa illegal drugs na ito,” dagdag ng PNP chief.
Nangako naman ng kaukulang proteksyon ang PNP sa mga kabataan para sa paglaban at pagsawata sa iligal na droga dahil ani Eleazar na ang kabataan din ang tumutulong sa mga awtoridad kaya nararapat lamang na nandyan ang kapulisan na aalalay sa mga kabataan.
Binigyang- diin din ng heneral na ang insurhensya at terorismo ang malaking salot at problema sa bansa kaya nanawagan ito sa mga lider ng mga kabataan ng pagkakaisa.
“Iligal na droga napakalaking problema ang insurgency at terorismo. ‘Yan ang dapat tapusin na natin kaya’t ako ay nananawagan sa inyo bawat isa sa inyo na namumuno nang iba’t-iang organisasyon ng KKDAT sa iba’t ibang lugar sa kasulok-sulukang lugar sa inyong rehiyon na pagtulungan ninyo. Asahan niyo na ng inyong kapulisan na laging aantabay sa inyo, inuulit ko muli kayo ang pag-asa ng bayan,” ayon pa ni Eleazar.
Nagpapasalamat naman ang hepe ng pambansang pulisya sa kooperasyon ng mga kabataan upang makamit na ang tunay na kapayapaan at para mas lalo pang mapaunlad ang bansang Pilipinas kasabay ng panawagan na itigil na ang pagpapalaganap ng iligal na droga at terorismo nang makamit na ang tunay na kaunlaran.
(BASAHIN: Juvenile Justice Act, pinarerebyu ng PDEA sa Kongreso)