MAPAPANAGOT ang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa isang binata na biktima na mistaken identity sa Navotas City.
Ito ang tiniyak ni PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo bilang bahagi ng pagdidisiplina sa kanilang hanay.
Ayon kay Fajardo, makakaasa ang publiko na hindi mabibigyan ng special treatment ang anim na pulis na sangkot sa insidente.
Sinabi ni Fajardo na mismong si PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. na ang nagbigay ng direktiba na bilisan ang pagresolba sa kasong administratibo upang mabigyan ng hustisya ang pamilya ng biktima.
Habang nais ipa-review ni Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang police operation procedures dahil sa mga kontrobersya na kinasangkutan ng mga pulis.
Inaabangan naman ang magiging rekomendasyon ng PNP Internal Affairs Service (IAS) sa anim na pulis at iba pang kaso na kanilang iniimbestigahan.