Poe: Maayos na sistema kailangan sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy

Poe: Maayos na sistema kailangan sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy

NANANAWAGAN si Sen. Grace Poe na magkaroon ng isang integrated at maayos na sistema para sa epektibong pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP). Kasunod ito ng partial lifting ng temporary restraining order ng Korte Suprema.

“Kung tama ang implementasyon at walang corruption, sa tingin ko magiging maayos ito,” ayon kay Sen. Grace Poe.

Ayon kay Poe, na siyang chairperson ng Senate Committee on Finance, ang lumalalang bilang ng mga traffic violation ang dahilan kung bakit kailangan na ang makabagong paraan ng panghuhuli sa mga lumalabag, lalo na’t kulang ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Binanggit ng senadora na kailangang may high-tech na mga kamera sa mga lugar na sakop ng NCAP, tulad ng EDSA at C-5, at dapat ding tiyakin na may maayos na appeal mechanism para sa mga motorista na may reklamo o nais magpaliwanag.

“Katulad sa ibang bansa, dapat may pagkakataon ang motorista na humarap sa isang traffic judge o board na may quasi-judicial function,” ani Poe.

Dagdag pa ni Poe, hindi dapat pabago-bago ang mga patakaran sa trapiko nang hindi naipapaabot sa publiko.

“Halimbawa, kung may pagbabawal sa pag-right turn o left turn, dapat malinaw at maayos ang mga palatandaan,” ayon pa sa senadora.

Hinikayat din niya ang MMDA na kumuha ng kagalang-galang at maaasahang technology provider para masigurong maayos ang pagpapatupad ng NCAP.

“Tama naman gamitin ang teknolohiya para mabawasan ang korapsyon at maayos ang daloy ng trapiko. Pero dapat rin nating protektahan ang karapatan ng mga motorista at pasahero—dapat patas ang proseso at may pagkakataong umapela kung may anomalya,” aniya pa

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble