NAGBABALA si Senadora Grace Poe sa posibleng panganib na dulot ng sunod-sunod na aberya sa mga pangunahing linya ng tren sa Metro Manila matapos ang insidente ng nasusunog na kable sa MRT-3 nitong Martes ng umaga.
Bandang 7:36 ng umaga, natukoy ang nasusunog na kable sa pagitan ng Cubao at Santolan stations sa southbound track. Dahil dito, pansamantalang pinahinto ang operasyon ng mga tren bilang pag-iingat.
Agad namang rumesponde ang maintenance team at naibalik ang normal na operasyon sa loob ng halos isang oras.
Binibigyang-diin ni Poe na hindi dapat balewalain ang mga ganitong uri ng insidente lalo na kung maaaring makaapekto sa kaligtasan ng mga pasahero.
Aniya, habang inaantay pa ang pagbubukas ng mas maraming linya ng tren, kailangang masiguro ng mga operator at ahensya ng gobyerno ang regular na maintenance at maayos na kondisyon ng mga kasalukuyang linya.
Dagdag pa ng senadora, dahil araw-araw umaasa ang libu-libong Pilipino sa mass transport, tungkulin ng pamahalaan na tiyaking ligtas, maayos, at walang abalang biyahe para sa lahat ng pasahero.