MALUGOD na tinanggap ni Sen. Grace Poe ang pagpapalawig ng oras ng operasyon ng MRT at LRT, na aniya’y malaking ginhawa para sa mga pagod at abalang commuter.
“Pagod at hapo na mula sa trabaho, madalas na nagmamadali ang ating mga kababayan upang makahabol sa huling biyahe ng tren pauwi,” ani Sen. Grace Poe sa isang pahayag nitong Marso 25.
Dahil sa isinasagawang rehabilitasyon ng EDSA, inaasahang mas maraming tao ang pipiliing iwan ang kanilang mga sasakyan sa bahay kaysa makipagsapalaran sa matinding trapiko.
Binigyang-diin ng senadora na dapat tiyakin ang sapat at episyenteng pampublikong transportasyon para sa mga commuter.
“Ang karagdagang oras ng biyahe ng tren ay dapat samahan ng maayos na seguridad, help desks, at maingat na pangangalaga sa mga pasilidad upang matiyak ang isang maginhawa at ligtas na paglalakbay,” dagdag niya.
Ayon pa kay Poe, isang palatandaan ng maunlad na bansa ay hindi ang pagkakaroon ng sasakyan ng lahat, kundi ang paggamit ng pampublikong transportasyon kahit ng mayayaman.
“Bagaman malayo pa tayo rito, bawat maliit na hakbang ay isang pagsulong tungo sa ating layunin,” aniya.