NAIS ngayon ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na dagdagan ng Kongreso ang pondo para sa Witness Protection, Security and Benefit Program (WPSBP) ng Department of Justice (DOJ).
Ginawa ang panawagan matapos ang pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Ayon kay Pimentel, gumagana naman ang Witness Protection Program ng DOJ subalit dapat pa itong lagyan ng dagdag-pondo para matiyak ang kapakanan ng mga witness sa anumang krimen.
Sa ganitong paraan giit ni Pimentel, mas marami ang mahihikayat na makipagtulungan sa imbestigasyon ng mga otoridad nang walang takot.
“This way, we can encourage more witnesses to cooperate in law enforcement investigations and judicial proceedings without fearing reprisals and economic dislocation,” saad ng mambabatas.
Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Boying Remulla na bukas ito sa posibilidad na ilagay sa Witness Protection Program ang self-confessed gunman sa Percy Lapid case na si Joel Estorial.
Sa ngayon ay nasa 48 hideouts ang sakop ng Witness Protection Program ngunit nasa P238-million lamang ang pondo ng programa sa 2023.
Nasa 512 witnesses naman ang sakop ng programa sa pagpapatapos ng 2021 kabilang dito ang mga witness sa ilang malalaking kaso gaya ng kidnapping at murder case sa South Korean businessman na si Jee Ick-Joo, hazing death sa University of Santo Tomas Law Student Horacio Castillo, Maguindanao Massacre at iba pa.