NANAWAGAN ngayon si OWWA Administrator Arnell Ignacio sa Kongreso na ibalik ang mahigit P200-M budget na tinapyas sa kanilang tanggapan para sa susunod na taon.
Ayon kay Ignacio, inilalaan ang pondo na iyon para sa pagpatatayo ng kanilang bagong tanggapan partikular na sa mga regional offices.
“Nabawasan kami ng pantayo namin ng building itong isang building namin from Zamboanga kailangan ilipat na ito sa Pagadian dahil merong ano ‘yan 2020 June 25 pa yata ‘yan nung dinirek ang national government sa Region 9 in Zamboanga na ilipat na ‘yan sa Pagadian. Meron pa kaming isa ‘yung sa local government sa Koronadal nag-donate ‘yan noong 2012 kailangan na rin tayuan ng building ‘yan. Bakit kami ganun kasi masyado nang luma ang mga regional offices namin,” pahayag ni Ignacio.
Isa pa sa pinoproblema nila ang lumang main building ng OWWA sa Metro Manila na pinaglipasan na ng panahon.
“Ang OWWA building ‘yung sa central 1975 pa ‘yan. Hindi na kaartehan ito eh, hindi na kaprecho talagang kailangang-kailangan namin. Sampung palapag na building na lumang-luma ‘yan ang bababa ng kisame. Humihingi ako talaga ng tulong sa ating mga mag-a-approve ng aming budget. Tulungan niyo po kami,” ayon kay Ignacio.
Giit din ni Ignacio na kailangang ma-upgrade ang kanilang ICT Equipments para sa mas mabilis na serbisyo ng OWWA.
Ipinaliwanag naman ni Ignacio na hindi nila pwedeng gamitin sa mga ganitong bagay ang trust fund ng OWWA.
“Ito kasing gusto ko rin ipapaliwanag sa mga nakikinig, sa mga netizens. Kasi ang pagba-budget hindi mo porke’t nilagyan ka rito for example ito pang-emergency repatriation fund hindi ko pwede gamitin ito na pambili ng sasakyan. Naku hindi pwedeng ganun. Meron din kaming OWWA fund sinasabi nila eh andami niyong pera dyan eh bakit hindi mo gastusin ‘yan. Hindi rin ganun kasimple ‘yun dahil ang OWWA fund ay ginagamit lamang una sa services for our OFWs. Program and services next welfare at pangatlo, pampromotion lamang ng aming membership. Pagka hindi tungkol dun hindi namin pwedeng galawin ‘yan. So, it’s a very difficult balancing act kapag nawalan kami ng capital outlay,” dagdag ni Ignacio.