Posibilidad na lumikha ng isang legal department sa loob ng PNP, pinaaaral ng Malakanyang

Posibilidad na lumikha ng isang legal department sa loob ng PNP, pinaaaral ng Malakanyang

IPINAG-UTOS ng Malakanyang ang pag-aaral para sa posibilidad na lumikha ng isang legal department sa loob ng PNP bilang bahagi ng pagsisikap na protektahan ang kapakanan ng mga pulis laban sa mga harassment at akusasyon.

Nitong araw ng Martes, nagkaroon ng ikalawang PNP Command Conference sa Camp Crame sa Quezon City sa pangunguna ni Pangulong Bongbong Marcos kung saan tinalakay ang nabanggit na usapin maging ang operational accomplishments ng PNP at iba pang mga isyu.

Sa press briefing naman sa Malacañang nitong Miyerkules, binigyang-diin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr.  ang kahalagahan na magkaroon ng opisina na magbibigay ng libreng legal aid sa mga pulis lalo na sa usapin ng raid sa mga iligal na droga.

Ang pangangailangang lumikha ng legal department ng PNP ay magsisilbi aniyang defense council ng sinumang pulis na sinampahan ng iba’t ibang reklamo.

Ipinahayag ng pamahalaan na hindi maaaring balewalain ang kapakanan ng mga pulis na nag-alay ng kanilang buhay sa paggawa ng mabuti ngunit hindi kayang magbayad ng abogado, o humingi ng serbisyong legal.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter